Ano ang Implasyon? : Kahulugan, Sanhi at Epekto
Ang implasyon ay madalas na tumutukoy sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo na madalas na ginagamit, tulad ng pagkain, renta, langis, damit at iba pa.
Ano ang Kahulugan ng Implasyon?
Ang implasyon ay pangkalahatang pagtaas ng mga presyo sa loob ng isang ekonomiya sa isang takdang panahon. Ito din ay tumutukoy sa pagbaba ng purchase power (ang kakayahan ng salapi na bumili ng serbesyo at produkto) ng isang unit ng salapi. Halimbawa, Kung dumoble ang presyo ng bilihin, ang purchasing power ay bababa ng kalahati; Kung bababa ng kalahati ang presyo ng bilihin, dumudoble ang purchasing power.
Ang deplasyon naman ang kabaliktaran nito kung saan tumataas ang halaga ng purchasing power habang bumababa ang mga presyo ng mga bilihin.
Saan aabot ang 20 pesos mo?
Filipino Ice cream Commercial
Ano ang mga Sanhi ng Implasyon?
Ang isa sa tinuturong sanhi ng implasyon ay ang pagtaas ng suplay ng salapi na nasa sirkolasyon ng isang ekonomiya. Ang pagtaas ng money supply ay maaaring dulot ng pag-iimprenta ng maraming salapi ng mga awtoridad at pamamahagi nito sa mga tao.
Maaaring bumaba ang halaga ng isang salapi sa pamamagitan ng pagpapautang ng pera ng mga banko at sa pamamagitan ng mga government bonds na ibinebenta ng gobyerno. Alin man sa sitwasyon na binanggit, tataas ang money supply, kasabay nito ay ang pagbaba ng purchasing power ng salapi.
Ang ilang uri ng mga sanhi na ito maikakategorya sa sumusunod: Demand-Pull inflation, Cost-Push inflation at Built-in inflation
Demand-Pull Inflation
Ito ay nagaganap dahil sa mabilis na pagtaas ng demand dulot ng labis na paggastos ng mga pribadong indibdwal at ng gobyreno habang hindi tumataas ang bilang ng supply. Ito ay nagdudulot ng paglaki ng ekonomiya ng isang bansa sa isang maikling panahon. Habang tumataas ang demand sa mga produkto at serbisyo, tumataas din ang presyo ng mga produkto at serbisyo.
Kapag maraming pera ang maaaring gastusin ng isang tao, ito ay nagdudulot sa mas mataas na paggastos ng mga consumer, at ang demand na ito naman ay nagdudulot ng pagtaas ng mga presyo. Ito ay lumilikha ng demand-supply gap na may mataas na demand at hindi flexible na supply, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo.
Cost-Push inflation
Ang cost-push inflation ay dulot ng biglaang pagbaba ng mga supply (potensyal na output). Ito ay maaring dulot ng mga sakuna, o ang pagtaas din ng mga presyo ng input (tulad ng mga hilaw na materyales). Isang halibawa nito ay ang patuloy na pagbaba ng supply ng krudong langis, ito ay nagdudulot sa patuloy na pagtaas ng mga produktong nagmumula sa langis.
Built-In inflation
Dulot ng adaptive expectation, ang ideya na ang implasyon ay patuloy lamang sa pagtaas hanggang sa hinaharap, habang tumataas ang presyo ng mga produkto at serbisyo, inaasahan na ng mga manggagawa na tataas pa sa hinaharap ang mga presyo na ito kaya sila ay hihingi ng karagdagan na sweldo upang mapanatili ang kanilang estado ng pamumuhay.
Ang mataas na implasyon ay nagtutulak sa mga manggagawa na humingi ng dagdag na sweldo upang makasabay ang kanilang sweldo sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Ang pagtaas ng sweldo ay nagtutulak para mga may-ari ng negosyo na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto. Ang siklo ng pagtaas ng sweldo at presyo ay maaaring magdulot ng “wage spiral” kung saan patuloy ang pagtaas ng implasyon dahil sa hindi matapos na pagtataas ng sweldo at presyo ng mga bilihin.
Paano masusukat ang Implasyon?
Ang pagtaas ng implasyon ay sinusukat pamamagitan ng pag-alam sa Inflation Rate(IR). Ang Inflation rate ay nakukuha sa pamamagitan ng formula na ito:
Ang CPI ay tanda ng pagbabago ng kabuuang presyo ng isang basket ng mga produkto at serbisyo na karaniwang binibili ng isang sambahayan (household) sa isang taon kumpara sa presyo nito sa itinakdang taon (base year).
Ano ang mga Epekto ng Implasyon?
Negatibong Epekto ng Implasyon
Hoarding
Bibili ang mga tao ng mga matitibay at mga non-persishable goods upang maiwasan ang patuloy na pagbaba ng kakayahan nila na bumili ng kanilang pangagailangan. Ito ay nagdudulot ng malubahang kakulangan sa mga hoarded na mga produkto. Ang kakulangan na ito ay nagdudulot ng mabilis na pagtaas ng presyo ng hoarded na produkto.
Pag-aalsa at mga protesta
Ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ay nagdudulot ng galit sa mga mamamayan at nagiging sanhi para magprotesta sila laban sa pamahalaan.
Hyperinflation
Dahil sa mas mataas na implasyon, ang mga tao ay mas nanaisihin pa na itago o ipunin ang kanilang mga pera at hindi ito gamitin. Ito ay nagdudulot ng lalong pagbilis ng implasyon dahil sa nagiging sagabal sa paggalaw ng ekonomiya ang labis na pagtatago ng salapi. Dahil sa kukunti lamang ang salapi na nasa sirkulasyon, napipilitan ang mga awtoridad na mag-imprenta ng karagdagan nap era na lalong nagdudulot ng implasyon.
Kakulangan sa sweldo
Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, unti-unti lumiliit ang halaga na sweldo ng isang ordinaryong mangagawa.
Epekto sa nagpapautang
ang perang pinautang ng isang isang institusyon o indibdwal ay unti-unting nababawasan ang halaga ng bumabalik sa kanilang salapi. Ang halaga na pinautang nila sa isang tao ay hindi na katumbas na babalik na halaga sa kanila. Ito ang rason kung bakit mas mataas ang interes ng mga utang na tumatagal ng lagpas ng 3 taon.
Positibong Epekto ng Implasyon
Mas mataas na kita para sa mga Producer
Ang mga Producer ay nakakaranas ng mas malaking kita dahil ibinebenta nila sa mas mataas na presyo ang kanilang mga produkto.
Malaking balik sa mga namumuhunan
Ang mga negosyante at namumuhunan ay nakakaranas ng dagdag na balik mula sa kanilang mga investments tuwing mayroong implasyon.
Mas mabilis na paglago ng Ekonomiya
Kung ang pagtaas ng demand ang nagdulot ng implasyon, ito ay nagdudulot ng mabilis na pagtaas sa ekonomiya dahil sa ang mga producers ay maglalaan ng karagdanan na puhunan upang lumikha na mas maraming supply para masabayan ang pagtaas ng demand.
Iba pang Artikulo
Ang mga Haligi ng Disenteng Paggawa
Ano ang Elasticity at Price Elasticity?
4 na Gamit ng Salapi
Mga Sanggunian
Consumer Price Index, psa.gov.ph
Inflation, investopedia.com
Mark Blaug, “Economic Theory in Retrospect“, pg. 129
Milton H. Spencer, “Contemporary Economics”, pg. 150
What is Inflation? financialexpress.com