Outsourcing at ang mga Uri nito
Ang outsourcing ay tumutukoy sa pagkuha ng isang kompanya ng serbisyo mula sa ibang kompanya na may kaukulang bayad upang gumawa ng isang bahagi ng proseso ng paggawa. Pangunahing layunin nito na mapagaan at mapabilis ang gawain ng isang kompanya. Minsan ito rin ay ginagawa upang makapagtipid sa gastos ng produksyon o serbisyo.
Isang halimbawa nito ay ang pagpapasa ng mga kompanya na ipasa ang proseso ng manufacturing ng ilang bahagi ng kanilang produkto sa mga pabrika sa ibang bansa. Ito ay para mapababa ang presyo ng kanilang produkto at ang gastos sa paggawa dahil sa mababang pasweldo sa ibang bansa. Ang kompanya ngayon ay makakapagtuon ng pansin sa pagbuo ng disenyo ng produkto at ang pagbebenta ng mga produkto na iyon na hindi na nila kailangan isipin ang mga isyu dulot ng mass production.
Uri ng Outsourcing Batay sa Serbisyo
Business Process Outsourcing (BPO)
Ang Business Process Outsourcing ay tumutugon sa prosesong pangnegosyo ng isang kompanya tulad ng pagbebenta ng produkto, customer support, marketing at iba pa.
Ang mga banko, internet service provider, mga tech manufacturer at iba pa ay kumukuha ng mga kompanya at pabrika upang tuparin ang isang mahalagang bahagi ng kanilang produksyon na maaaring bunsod ng ilang dahilan tulad ng mas mababang pasweldo o pangangailangan ng specialized na paraan ng produksyon.
Ang mga halimbawa nito ay ang mga call center companies na matatagpuan sa India at Pilipinas. Ang Taiwan Semiconductor Manufacturing Company naman ang isa sa pinakamalaking kompanya na nagiging outsourced producers ng mga semiconductor chips sa ilang malalaking kliente nila tulad ng Apple, Intel, Qualcomm, AMD and Nvidia.
Knowledge Process Outsourcing (KPO)
Ang mga KPO naman ay nakatuon sa mga gawaing nangangailangan ng mataas na antas ng kaalamang teknikal tulad ng pananaliksik, pagsusuri ng impormasyon at serbisyong legal.
Ilan sa mga halimbawa nito ay mga consultation firms, legal firms, mga freelance work, medical research, survey companies at iba pang mga kompanya na nagbibigay serbisyo sa pamamagitan ng pagtulong sa isang kompanya na magsaliksik at mag-analisa ng mga datos.
Uri ng Outsourcing Batay sa Distanya sa Pagitan ng Dalawang Kompanya
Offshoring
Pagkuha ng serbisyo ng isang kompanya sa iba pang kompanya na ang distansya ay napakalaki. Maaaring nasa ibang kontinente o nahihiwalay ang dalawang bansa ng isang karagatan.
Sa pagnanais ng mga outsourcing companies mula United States, at mga bansa sa Europe na makatipid sa mga gastusing kalakip ng nasabing serbisyo minarapat nilang kumuha ng serbisyo sa mga kompanya mula sa bansang Asyano tulad ng India at Pilipinas.
Nearshoring
Tumutukoy sa pagkuha ng serbisyo mula sa kompanya sa kalapit na bansa. Layunin nitong iwasan ang mga suliraning kaakibat ng offshoring tulad ng malaking gastos sa transportasyon ng mga produkto at ang mahirap at komplekadong proseso ng pagsigurado sa mataas na antas ng serbisyo na ibinibigay ng mga outsourced workers. Ito rin ay nakakatulong para mabawasan ang mga labis pagkakaiba ng kultura sa pagitan ng mga kompanya, ito ay maaaring wika o kaya ay kultura sa pagtatrabaho.
Onshoring
Tinatawag ding domestic outsourcing na nangangahulugan ng pagkuha ng serbisyo sa isang kompanyang mula din sa loob ng bansa na nagbubunga ng higit na mababang gastusin sa operasyon.
BASAHIN DIN: