Ano ang Diskriminasyon?
Sa Pilipinas ang diskriminasyon dahil sa kasarian ang isa sa malaking isyu sa kasalukuyan. Mas lalo lamang naging maingay ang mga pangkasariang isyu sa Pilipinas dahil sa mga kaso ng pagpatay sa LGBT, malaking bilang ng karahasan sa babae at ang pagbibigay ng dagdag na karapatan sa mga LGBT sa mga kanluraning bansa.
Maraming bahagi pa rin ng daigdig ang may malaking problema dahil sa segregasyon ng mga tao dahil sa lahi o sa isang tradisyonal na sistema ng paghahati ng lipunan tulad ng Caste system sa India. Kahit na ilang dekada na natapos ang segregasyon ng lahi sa Amerika malaki pa rin ang epekto nito sa modernong pamumuhay sa Estados Unidos.
Ayon sa United Nations Development Programme (UNDP) at ng United States Agency for International Development (USAID), ang mga tao na bahagi ng LGBT ay nahihirapan na makahanap ng trabaho, at nahihirapan na mapagkamit ng mga social services tulad ng serbisyong medikal, edukasyon, at pabahay dahil sa mga umiiral na bias laban sa LGBT
Ano ang Ibigsabihin ng Diskriminasyon?
Ang diskriminasyon ay ang hindi patas na pagtrato sa ibang tao at mga grupo batay sa isang katangian na taglay ng mga tao na ito tulad ng kanilang lahi, kulay ng balat, edad, kasarian at sekswal na oryentasyon.
Sa murang edad pa lamang ay mabilis na nalalaman ng isang bata ang pagkakaiba ng babae at lalaki. Ito ay natural lamang para sa utak natin na ilagay sa kategorya ang mga bagay upang mas madali unawain ang mundong ating ginagalawan.
Ngunit ang mga pagpapahalaga at mga kahulugan na ating inilalagay sa mga kategoryang ito ay ating natutunan at nagmula sa ating mga magulang, kaibigan, personal na karanasan at ang mga obserbasyon at paniniwala natin sa kung paano natin dapat makita ang ating mundo. Kadalasan ang diskriminasyon ay nabubuo dahil sa takot, hindi pag-unawa sa iba, stereotype at mga biases ng isang tao.
Ano ang ibigsabihin ng Stereotype?
Ang stereotype ay isang pinasimpleng pagkilala sa isang pangkat ng tao batay lamang sa isang pagkakatulad nila tulad ng lahi, kasarian, hanapbuhay at iba pa. Ang mga ideya na ito ay maaaring may katotohanan o wala ngunit madalas ang mga stereotype kaugnay ng isang pangkat ay may maraming maling idea.
Ang halimbawa ng stereotype ay ang mga pahayag tulad ng: “Ang pagiging engineer ay trabahong panlalaki”, “Ang mga babae ay mahilig makipagtsismisan” at “Ang mga gay ay kumilos at nagdadamit pambabae”.
Ang mga pahayag na ito naglalahad ng pinasimpleng ideya kaugnay ng tatlong pangkat ng tao at parehong naglalaman ng di wastong ideya kaugnay ng mga pangkat na iyon.
Isa ito sa rason kung bakit nagdudulot ng diskriminasyon ang mga stereotype dahil hindi nito binibigyan ng atensyon ang katotohanan na binubuo ang mga pangkat na ito ng maraming individual na hindi nakatali kanilang pagkatao sa iisang katangian, lahi, at kasarian.
Ano ang bias?
Ang bias ay nangyayari tuwing ang isang tao ay bumubuo ng paghuhusga sa isang pangkat ng tao batay lamang sa kanilang kasarian, lahi, edad, wika at iba pa kahit na hindi pa niya nakikita o nakakasalamuha ang mga tao na iyon.
Isang halimbawa nito ay kung ang isang may-ari ng Negosyo ang tumatanggap ng mga aplikasyon para sa mga nais magtrabaho sa kanya. Bago pa niya makapanayam ang mga aplikante tinatanggal na niya ang mga aplikasyon ng mga babae dahil may bias ang may-ari na naniniwala siya na hindi magaling na empleyado ang mga babae. Ang mga mapaghusgang pag-uugali ito ay nagdudulot ng diskrminasyon para sa minoryang pangkat ng tao tulad ng mga babae, mga katutubo at LGBT.
Iba pang Artikulo
- Ano ang Pagkakaiba ng Gender Identity at Sexual Orientation?
- Ano ang Pagkakaiba ng Sex at Gender?
- Sex and gender: What is the difference?