Ano ang Renaissance?: Kahulugan, Simula at Bunga
Ang Pagsisimula ng Renaissance
Sa pagtatapos ng Middle Ages, nagsimula lumakas ang awtoridad ng mga Europeong hari sa loob ng kanilang mga bansa samantalang ang kapangyarihan ng Simbahan ay nagsimulang pagdudahan ng mga tao. Kasabay nito, nagtapos ang mahabang panahon ng epidemya, digmaan at kahirapan sa Europa.
Dahil sa muling panunumbalik ng kapayapaan sa buhay ng mga tao, nagsimulang umusbong ang mga ideya na magdudulot sa pagbabago ng pananaw ng mga tao kaugnay ng kanilang pamumuhay. Ito ay nagbigay daan sa pag-aaral ng pilosopiya, humanismo at pagbibigay ng tuon sa sining at akademya. Pagdating ng ika-labing-apat na siglo, ang mga binhi na ito ay nagbunga at nagdulot sa pagsisimula sa panahon ng Renaissance.
Paano Nagsimula ang Renaissance sa Italya?
Nagsimula ang Renaissance sa hilagang mga lungsod- estado ng Italya noong mahigit 1350 CE. Ang mga lungsod-estado na ito ay naging mayaman dahil sa muling pagyabong ng kalakalan pagkatapos ng Middle Ages na nagdulot ng mabilis pagyaman at kasaganahan sa mga pamilyang mangangalakal. Ang mga Italyanong mangangalakal at ang mga may- ari ng bangko ay nagkaroon ng sapat na salapi para bilhin ang mga aklatan at mga magagandang sining na ninanais nila.
Upang ipakita ang kanilang yaman at kapangyarihan, ang mga pamilya na ito ay nagsimulang bumili ng mga mamahaling sining at nagsimula din magpatayo ng mga magarbong mga gusali. Ang Florence at ang Venice ang naging sentro ng renaissance sa Italya.
Nakatulong din ang mga mayayamang pamilya na ito na hikayatin at pasiglain ang paglikha ng mas maraming sining at literatura. Hinikayat din nila ang pagpapatibay sa akademya at pagiging iskolar sa panahon na iyon. Sila ay naging patron ng maraming alagad ng sining at iskolar na kanilang binabayaran para lamang lumikha ng sining at aklat.
Naging propesyon ang pagpipinta, paggawa ng musika, pagsulat ng tula at iba pang sining sa panahon na ito.
Pag-usbong ng Interes sa Klasikal na Pag-aaral
Ang Renaissance ay isang salitang Pranses na ang ibig-sabihin ay “muling pagsilang”. Noong una ito ay tumutukoy lamang sa panunumbalik ng interes ng mga iskolar sa pag-aaral sa sinaunang Griyego at Romano noong ika-14 na siglo.
Ngunit hindi nagtagal ay ginamit ang termino na ito upang ilarawan ang panahon kung saan maraming mga pagbabago ang naganap sa larangan ng sining, pilosopiya at sa paraan kung paano nakikita ng mga tao ang daigdig. Ang Renaissance ay tumagal ng mahigit 200 taon, mula ikalabing-apat na siglo hanggang ikalabing-anim na siglo.
Maraming pagkakaiba sa pagitan ng Renaissance at Middle Ages.
Una, ang panunumbalik ng kagustuhan na pag-aralan muli ang mga sinaunang kaalaman mula sa Griyesya at Roma. Unti unti na lumalayo ang pokus ng akademikong pag-aaral sa relihiyoso papunta sa klasikal at siyentipiko.
Ikalawa, naging pangunahing paksa ng sining at literatura ang mga karanasan ng mga ordinaryong tao at kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Unti-unting lumayo ang mga alagad ng sining sa mga temang relihiyoso at kabanalan bilang sentro ng kanilang sining at pilosopiya. Kahit na ang pangunahing tauhan sa isang pintang larawan ay mga santo at ang Diyos, sila ay ipinipinta sa isang realistikong paraan at ang mga banal na karakter tulad ng Diyos ng bibliya ay binibigyan ng personipikasyon at mala-taong emosyon.
Ang mga kalaaman na tinuturo at mga institusyon na tinatag ng Middle Ages ay hindi tuluyang nawala ngunit ito ay naging pundasyon lamang ng mga humanistiko at makabagong ideya na hatid ng Renaissance.
Ano ang Humanidades o Humanities?
Napukaw ng kultura ng Griyego at Romano ang interes ng mga iskolar ng renaissance at nagbigay daan sa pagkahubog sa pag-aaral ng Humanities.
Ilan sa mga laman ng pag-aaral na ito ay ang wika at literaturang Latin at Greek, retorika, kasaysayan, pilosopiya, musika at matematika.
Pinaniniwalaan ng mga iskolar na magiging magandang batayan sa sistema ng akademiya at edukasyon ang kulturang Griyego at Romano dahil nagtuon ng pansin ang mga Griyego at mga Romano sa mga asignatura na ito na nagdulot ng mga importanteng pag-usad sa kanilang mga kabihasnan. Naghanap ang mga iskolar ng mga manuscript at aklat sa mga monasteryo at mga aklatan upang basahin, isaayos at ipabasa sa ibang mga iskolar.
Ang mga iskolar na naging bahagi ng kilusan na ito at naging produkto ng pag-aaral ng humanities ay tinawag na mga Humanist.
Kaugnay na Artikulo:
Sining sa Panahon ng Renaissance
Ibang Artikulo na Maaaring Interesado ka:
Bakit nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig( WWI )?
The Assassination of Archduke Franz Ferdinand, 100 Years Ago