Ano ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law?
Ano ang Republic Act 10354?
Ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law of 2012(Republic Act No. 10354) o mas kilala sa karaniwang tawag na Reproductive Health Law o RH Law, ay isang batas na nilikha upang siguraduhin ng pamahalaan na mayroong universal access ang mga mamamayan sa iba’t ibang paraan ng contraception, family planning, sex education at maternal care.
Maraming probisyon sa batas na ito ay nakatuon sa pagbibigay ng mga wastong impormasyon at medikal na tulong sa mga babaeng nagdadalang tao, pagpapakalat ng mga kaalaman kaugnay sa wastong family planning at sex education, at malawakang distribution ng mga family planning devices tulad ng condoms, contraception pills at IUDs.
Kahit na naging kontrobersyal ang batas na ito dahil umano ito ay magbibigay daan sa pagiging legal ng aborsyon ng sanggol, malinaw na ipinapahayag ng batas na ito ang pagbabawal sa mga gamot na nagdudulot sa pagkalaglag ng bata sa sinapupunan at operasyon ng abortion na walang matibay na medikal na rason sa loob ng Pilipinas.
Bakit Kinakailangan ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law?
Upang mabawasan ang unwanted at unplanned pregnancy
Ito ay ipinasa upang makatulong sa pagpapababa ng bilang ng mga babaeng nabubuntis ng hindi pa handa. Ayon sa Department of Health, kalahati sa kabuuang bilang ng mga pagbubuntis sa Pilipinas, humigit-kumulang 1.4 milyon, ay hindi inaasahan o planado. Sabi naman ng National Demographic and Health Survey(NDHS) noong 2008, 1 sa 3 bata ay unwanted o hindi inaasahan; 26 porysento ng mga babae nasa edad 15 hanggang 24 ay nagsimula na magbuntis o nanganak samantalang tanging 36% lamang sa kanila ang gumagamit ng modernong paraan ng kontrasepsyon.
Upang bumaba ang infant mortality
Ito ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng bilang ng mga infant mortality at bilang ng nanay na namamatay sa proseso ng panganganak. Noong 2008, halos 11 na nanay ang namamatay araw-araw dahil sa panganganak. Ang mga ganitong uri ng kaso ay maiiwasan kung may wastong impormasyon ang mga magulang sa reproductive health at family planning.
Upang bumaba ang teenage pregnancy
Naglalayon din ang batas na ito na mabawasan ang taas ng bilang ng early teenage pregnancy at pagkalat ng sexually transmitted diseases sa kabataan. Ito ay sa pamamagitan ng mga pormal na sex education. Sa pamamagitan ng pormal na sex education, hindi sila madadala sa mga maling mga paniniwala kaugnay sa kanilang reproductive health. Ito rin ay nagbibigay atensyon sa nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng HIV/AIDS sa Pilipinas.
Upang maghatid ng impormasyon kaugnay ng family planning sa mga mahihirap at higit na nangangailangan nito
Naglalayon din ito na mailayo ang mga mamamayan sa di-magandang epekto ng sobrang laki na pamilya. Nais ng batas na ito tulungan ang mga mahihirap na pamilya na hindi mahirapan dahil sa hindi kontroladong pagdami ng kanilang mga anak. Upang masigurado na may sapat na pangtustos ang bawat isa sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Inaasahan na sa batas na ito masusulusyonan din ang mabilis na paglobo ng populasyon ng Pilipinas.