Multinational Corporation at Transnational Corporation
Ano ang Multinational Corporation at Transnational Corporation?
Isa sa bunga ng globalisasyon sa modernong panahon ay ang paglitaw ng mga Multinational Corporation(MNC) at Transnational Corporation(TNC). Ang dalawang uri na ito ng korporasyon ay naglalarawan sa mga epekto ng globalisasyon sa pang-ekonomiyang aspekto ng pandaigdigang pamumuhay.
Sa unang tingin, mas madaling makita ang pagkakatulad ng MNC at TNC. Sila ay mga korporasyon o mga kompanya na may malawak na impluwensya sa mga merkado ng daigdig.
Parehong mga dambuhalang mga negosyo ang MNC at TNC. Minsan ang kita ng mga kompanya na ito ay nalalagpasan pa ang GDP ng ilang mga bansa sa daigdig (Basahin: https://www.businessinsider.com/25-giant-companies-that-earn-more-than-entire-countries-2018-7#visa-made-more-in-2017-than-bosnias-gdp-4 )
Madalas ang mga ito ay mga dayuhang mga kompanya na nagtatatag ng kanilang negosyo sa isang bansa at nakikipagkompitensya sa lokal na pamilihan. Maaaring sila ay nagtatayo ng sangay o di kaya ay magtatatag ng isang kompanya sa loob ng isang bansa para mamuhunan sa isang bahagi ng kanilang produksyon.
Ano ang Pagkakaiba ng Multinational Corporation at Transnational Corporation?
Home Office at Branches
Ang ilan sa pangunahing pagkakaiba ng MNC at TNC ay ang paraan ng pagdedesisyon sa loob ng kompanya. Ang MNC ay may home country at headquarters sa bansang kanyang pinagmulan at nagtatayo ng mga sangay sa ibang bansa upang mapalawig ang abot ng kanilang produkto at serbisyo.
Kahit na nagtatayo sila ng mga branch offices sa iba’t ibang panig daigdig ang paraan ng pagdedesisyon ay sentralisado at tanging ang home office ang may kontrol sa mga patakaran at mga desisyon sa produksyon. Ang mga branch offices o mga sangay ay sumusunod lamang sa desisyon ng home o central office ng kompanya.
Samantala ang isang TNC, kahit na namumuhunan sa pasilidad sa ibang bansa at mayroong pangunahing opisina sa kanilang pinagmulang bansa, ay pinapaubaya ang mga desisyon pagdating sa marketing, research and development at executive power sa bawat dayuhang kompanya sa ilalim ng kanilang korporasyon.
Sila ay maaaring bumili, nakikipagkasundo o magtayo ng ibang kompanya na magrerepresenta sa kanila sa isang bansa at ito ang may responsibilidad sa pagpapatibay ng kanilang negosyo sa bansa na iyon.
Home Country
Hindi kinokonsidera ng isang Transnational Corporation ang isang bansa bilang isang corporate home dahil mayroong kakayahan ang mga Transnational Corporation na ilipat ang mga sangay ng produksyon nila o kahit mismong punong negosyo nila sa ibang bansa.
Samantala ang Multinational Corporation ay ginagamit na bahagi ng kanyang pagkakilanlan at branding ang bansa kung saan siya nagmula. Hindi rin magiging madali para sa isang MNC ang paglipat ng mga aspekto ng produksyon sa ibang bayan.
Uri ng Produkto
Ang mga produktong inaalok ng isang MNC sa mga bansa ay may kaunting pagkakaiba sa bawat lokalidad kung saan sila namumuhunan. Sinusubukan nila iakma ang kanilang mga produkto at serbisyo sa kultura o kagustuhan ng bawat lokal na merkado. Nagagawa ito ng MNC dahil sila ay maaaring magtayo ng mga pisikal na pasilidad tulad ng tindahan o isang restaurant na isa lang sangay ng kanilang negosyo.
Samantala ang isang TNC ay may mga subsidiaries o mga kompanya na nasa ilalim ng isang holding company na naglalayon na mag-abot ng produkto o serbisyo na higit na kailangan o may malaking demand sa isang merkado. Madalas ay isang bahagi lang ng kabuuang produksyon ng isang TNC ang inilalagay nila sa ibang bansa halimbawa ay packaging, raw material processing o assembly. Dahil dito mas madali para sa isang TNC na maglipat ng produksyon o mga resources sa ibang lugar o rehiyon sa mundo.
Sinusubukan ng isang Multinational Corporation na gamitin ang kultura ng isang bansa upang malaman nila ang pangangailang ng isang pamilhan upang higit na madagdagan ang kita ng korporasyon. Kaya madalas mayroon silang mga produkto na espesyal lamang sa isang bansa at di makikita sa iba. Kahit na may malilit na pagkakaiba ang kabuuang serbisyo at produkto ay magkakatulad para sa bawat sangay.
Ilan sa mga halimbawa ng MNC ay ang Mcdonald Corp., Jollibee Co., 7-Eleven, San Miguel Corp., SM Invesments, CocaCola Co., Nestle at iba pa.
Ang Transnational Corporation naman ay hindi nangangailang umapela sa kultura o tradisyon ng isang bansa dahil sa ang pangunahing nais ng isang TNC ay kumita ng malaki sa pamamagitan ng pagbebenta ng produkto at serbisyo batay sa kalidad o pangangailang dito. Ito ang isang rason kung bakit malaking bahagi ng kanilang produksyon ay nasa labas ng kanilang bansa. Sila ay nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo o produkto na nakikita nila na may higit na pangangailang o kagustuhan mula sa mga tao. Ito ay upang mas madali makapagbigay ng dagdag na produksyon para lang sa isang uri ng produkto para sa isang bahagi ng daigdig.
Ilan sa mga madalas na kinokosidera na TNC ay mga korporasyon na nasa sector ng teknolohiya, medisina, finance at insurances at pagmimina at mineral.
Ilan sa halimbawa nito ay ang Apple, Sony, Proctor and Gamble, Google, Toyota, Exxon Mobil, AXA, at iba pa.
Ano ang Epekto ng Transnational at Multinational Corporation sa Isang Bansa
Mga Magandang Epekto
- Import Substition – ang mga produkto na hindi nabibili sa loob ng bansa dati ay mas maaari na mabili sa loob ng bansa.
- Export Promotion – dahil sa paggamit ng mga MNC/TNC sa lokal na mga pasilidad at yaman ito ay nagiging batayan sa pagtaas ng export ng isang bansa.
- Dagdag na Trabaho – Kapag nagtayo ng mga pasilidad ang mga dayuhang kompanya na ito, sila ay naghihikayat ng mga tao sa lokalidad upang maging manggagawa ng mga korporasyon.
- Buwis – ang mga kompanya na ito ay magbabayad ng buwis sa bansa kung saan sila mamamalagi at ito ay magbibigay ng malaking kita sa buwis para sa pamahalaan ng bansa na iyon.
- Pagpapasa ng Teknolohiya – Natututunan ng isang bansa mula sa isang MNC/TNC sa paggamit ng makabagong teknolohiya o bagong paraan sa produksyon sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga manggagawa nila.
- Pagdami ng Pagpipilian – Mas madaming produkto na ang maaaring pagpilian ng isang konsumer at madalas ito ay nagdudulot ng pagbaba ng presyo ng ilan sa mga ito.
- Pagganda ng Reputasyon ng isang Bansa – Itinuturing na maganda ang reputasyon ng isang bansa kapag maraming mga dayuhang kompanya ang namumuhunan dito na nagdudulot pa para maengganyo ang iba pang kompanya upang mamuhunan sa bansa na iyon.
Mga Hindi Magandang Epekto
- Di-kasiguraduhan – ang mga korporasyon na ito ay maaaring umalis na lang basta at ito ay nagdudulot ng di kasiguraduhan sa isang bansa lalo na kung nakasalalay ang trabaho at kita ng bansa na yun sa korporasyon.
- Isyu sa Kalikasan – madalas nag iiwan ng mga polusyon ang mga pabrika na itinatayo ang mga korporsyon na ito at sinusubukan nila na kumbinsihin ang pamahalaan na bigyan sila ng mas maluwag na regulasyon pagdating sa kalikasan
- Matinding Kompetisyon – humihigpit ang kompetisyon sa pamilihan at ito ay nagdudulot ng pagiging mahirap sa pagpasok sa negosyo ng mga maliliit na namumuhunan. Minsan ito rin ay nagdudulot upang magsara ang mga negosyo o lamunin ng isang korporasyon ang isang lokal na kakompitensya.
- Mababang Antas ng kasanayan sa Trabaho – Maaaring nagbibigay ng trabaho ang mga MNC ngunit ang mga matataas na posisyon sa kompanya ay inuupuan pa din ng mga dayuhan.
- Epekto sa Politika – napipilitan ang pamahalaan na sumunod sa hiling ng Multinational Corporation dahil sa pangamba na baka umalis sila sa bansa.
- Epekto sa Kultura – Ang Mcdonaldization, termino na nilikha ni George Ritzer, ay naglalarawan sa pagbabago sa kultura at panlipunang pagpapahalaga patungo sa mga katangian ng isang fast-food restaurant, na nagbibigay na malaking empasiya sa istandardisayon ng negosyo kaysa tradisyonal na pagnenegosyo. Isa sa halimbawa nito ay ang popularidad ng franchises sa kasalukuyan.
Follow, Subscribe, Comment, and Like the Aralipunan YouTube Channel
Iba pang Artikulo
- Epekto ng Climate Change sa Buhay ng mga Pilipino
- Ano ang Magna Carta for Women?
- Ano ang K to 12 Law at ang mga Pagbabago na Dulot Nito?
External Links
- Difference Between Multinational and Transnational
- Biersteker, Thomas (1978). “Distortion of Development? Contending Perspectives on the Multinational Corporation”.
- Tourism and Development: Concepts and Issues
- The Social Development Impact of TNCs in the Phils
- Impact of multinational companies on the host country AO3