Ano ang mga Negatibong Epekto ng Globalisasyon?
Sa kasalukuyan ang mga pangunahing mga kritiko ng globalisasyon ay mga taong mula sa mga grupo ng mga environmentalist, trade unions, workers’ rights group at mga anti-poverty groups. Ang mga negatibong epekto ng globalisasyon ay higit na nakikita sa Ekonomiya, Pamumuhay, kultura at kapaligiran ng isang bansa.
Negatibong Epekto ng MNC at TNC
Mas higit na nakikinabang ang mga mayayamang bansa sa mga benepisyo ng globalisasyon na kung saan ang mga 3rd world countries ay pinagkukunan lamang ng mga hilaw na materyales at murang paggawa para sa mga multinational corporations.
Wala rin garantiya na makikinabang ang isang lokal na komunidad sa pamumuhunan ng isang Transanational Corporation(TNC) o isang Multinational corporation(MNC). Ang malaking bahagdan ng kita ng nila ay bumabalik sa bansa kung saan sila nagmula. Nagdudulot din ng matinding kompetisyon ang pananatili ng mga MNC at TNC sa isang lugar na nagiging dahilan para magsara ang mga maliliit na negosyo. Maaari din umalis na lamang bigla ang isang TNC o MNC sa isang lugar dulot ng mas murang pa-sweldo sa ibang bansa.
Negatibong Epekto ng Globalisasyon sa Kita ng Lokal na Manggagawa
Isang malaking suliranin na dulot ng globalisasyon ay ang lumalawak na agwat sa pagitan ng sweldo ng mga tao sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ito ay ang tinatawag na income inequality.
Malaking bahagdan ng kita ang napupunta sa mga kapitalista samantalang mas bumababa ang kita ng mga empleyado dahil nakikipagkompetensya sila sa presyo ng paggawa ng mga dayuhang manggagawa dulot ng outsourcing
Lumalaki na din ang Wage gap sa pagitan ng mga manggagawang may edukasyon at mga manggagawang hindi nakapagtapos ng kanilang edukasyon. Ibig sabihin ang mga unskilled workers ay higit na naaapektuhan ng bumababang sweldo at higit na nanganganib sa mga epekto ng globalisasyon.
Pangingibang Bansa ng mga Manggagawa
Salamat sa globalisasyon, dumami ang mga oportunidad sa para trabaho. Maaaring mangibang-bansa ang isang tao upang tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ang kapalit lang ng magandang oportunidad na ito ay ang pagkahiwalay nila sa kanilang pamilya ng maraming taon upang magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ay madalas nagdudulot ng mga problema sa loob ng isang pamilya tulad ng paghihiwalay ng mag-asawa at ang kawalan ng malalim na koneksyon sa kanilang mga anak. Nababago na rin nito ang mga tradisyonal na estruktura ng isang pamilya dahil wala ang isa sa magulang nito palagi.
Kasabay nito ay ang mga pang-ekonomiyang epekto ng pagkawala ng mga skilled workers at professional worker ng isang bansa. Ang kanilang kasanayan ng mga manggagawa na ito ay hindi magagamit sa pagpapaunlad ng isang developing country. Ito ay nagreresulta sa “Brain Drain”.
Unemployment
Ang pag-abante ng teknolohiya ay nagdudulot ng pagtaas ng kawalan ng trabaho. Karamihan ng mga trabaho sa isang papaunlad na bansa ay nagmumula sa mga casual at unskilled workers bago naramdaman ng mga bansa na ito ang epekto ng globalisasyon.
Dahil sa mga makabagong teknolohiya mas tumaas ang demand para sa mga manggagawang may mataas na edukasyon at matuturing na skilled worker. Marami rin mga trabaho ang nawala dulot ng makabagong teknolohiya sa produksyon.
Ang mga manggagawa na walang sapat na kasanayan ay napipilitan na lamang na kumuha ng mga trabahong may mababang sweldo para lamang magkaroon ng hanapbuhay.
Pagbabago sa Kultura
Isa sa pangamba ng maraming tao ay ang pagkawala ng mga tradisyon ng mga tao sa isang lugar dulot ng globalisasyon. Maaaring nakatulong ang globalisasyon sa pagpapakilala sa ating kultura sa ibang bansa at nakatulong din ito upang mapalawak ang perspektibo natin ngunit ang matinding pagtangkilik sa mga dayuhang kultura at media ay maaaring magdulot ng pagbabago sa kulturang Pilipino.
Ang internet ay nagbigay daan upang mas mapadali ang mga pagbabago na ito.
Negatibong Epekto ng Globalisasyon sa Kapaligiran
Habang nagpapatuloy ang proseso ng globalisasyon, ito ay nagiging banta sa kalagayan ng likas na kapaligiran.
Ang mabilis na industriyalisasyon ay nagdulot ng mga negatibong epekto sa kapaligiran. Tumaas nang 60% ang greenhouse gases mula 1970 hanggang 2004. Nagkaroon na rin ng malawakang extinction dulot ng Introduksyon ng mga dayuhang hayop at halaman sa isang bansa at ang pagkasira ng kagubatan. Mahigit 1 milyon na hayop at halaman ang endangered. Taong 2004, 22% ng mammals, 31% ng amphibians at 35%ng ibon ang posibleng mawala.
Sanggunian
- https://www.un.org/sustainabledevelopment/blog/2019/05/nature-decline-unprecedented-report/
- https://piie.com/commentary/speeches-papers/globalization-concept-causes-and-consequences
- https://www.nationalgeographic.org/article/effects-economic-globalization/9th-grade/
- https://www.bbc.co.uk/bitesize/guides/zxpn2p3/revision/5