Rebolusyong Industriyal: Simula, Mga Inobasyon, at Epekto
Ano ang Industrial Revolution?
Ang Rebolusyong Industriyal ay isang transisyonal na panahon(c. 1760 – 1840) sa Europa at America na nakatuon sa pagbabago sa mga proseso ng paggawa, mula sa pagbuo ng mga produkto sa pamamagitan ng kamay papunta sa paggamit ng mga makinariya at awtomisasyon. Ito ay mas mailalarawan sa mabilis na pag-unlad sa iba’t ibang industriya dahil sa mga makabagong makinarya, paggamit ng steam engine, at bagong paraan ng paglikha ng mga kemikal at mga proseso sa pagkuha sa bakal.
Bakit nagsimula ang Rebolusyong Industriyal sa Britanya?
Ang unang rebolusyong industriyal ay nagsimula sa Britanya dahil sa iba’t ibang salik:
Una, ang pagsisimula ng rebolusyong agrikultural na naglatag ng daan para mangyari ang maagang industriyalisasyon sa Britanya. Isa naging epekto nito ay ang pagkakaroon ng surplus sa suplay ng pagkain, ang mga tao ay hindi kinakailangan ng gumastos ng malaki para mapanatiling busog ang kanilang pamilya. Ang labis na pagkain ay nangangahulugan na ang isang pamilya ay maaaring makapagtabi pa ng sobrang salapi upang bumili ng mga produkto na mula sa siyudad.
Pangalawa, ang migrasyon ng mga tao mula rural papunta sa urban na lugar para maghanap ng dagdag na kita ay nagdulot ng paglaki ng lakas- paggawa para sa mga bagong mga industriya.
Pangatlo, maraming negosyateng Briton ang handang sumugal sa pagtatayo ng mga pabrika.
Pang-apat, may malaking mina ng coal sa loob ng bansa ng Britanya. Dahil sa maliit na bansa din ang Britanya mas madali paghahatid ng mga hilaw na materyales sa iba’t ibang panig ng bansang ito.
Panghuli, sa panahon na ito ang Britanya ay may malaking emperyo sa iba’t ibang dako ng daigdig. Sila ay may mga kolonya na maaaring kuhaan ng mga karagdagang hilaw na materyales at ang mga kolonya na ito ay kadalasan ang konsumer din ng mga produkto na nililikha sa Britanya.
Epekto ng Rebolusyong Industriyal sa Agrikultura
Ang Europa ay may malaking populasyon sa labas ng mga siyudad dahil ang pangunahing hanapbuhay noon ay ang pagsasaka. Matapos ang ilang mga inobasyon at mga inbensyon na nakatulong sa mabilis na pagtatanim ng mga butil, ito ay ang dulot ng ekponensyal na paglaki ng surplus sa agrikultura at sa hindi na pangangailangan ng madaming tao para sa pagtatanim at pag-aani.
Ito ay nagdulot ng pagkaunti ng mga manggagawa sa bukirin at pagsisimula ng pagtingin ng mga tao sa siyudad bilang lugar kung saan makakakuha ng karagdagan na kita kung hindi permanente na hanapbuhay. Nagsimula ang migrasyon ng mga tao mula sa mga rural na pamayanan papunta sa urban na siyudad.
Epekto ng Rebolusyong Industriyal sa Industriya ng Textile
Ang industriya ng tela at sinulid ang pangunahing naapektuhan ng rebolusyong industriyal. Ang paggawa ng textile noon ay isang mano-manong gawain na nangangailang ng mahabang oras para matapos lamang ang isang hakbang ng proseso (hal. Pagtatanggal ng buto sa bulak, pagpusod nito papunta sa pagiging hibla ng sinulid, paghahabi ng tala atbp). Ang mga kagamitan ng mga manggawa noon ay mga simpleng makina para lamang mapadali ang manwal na gawain ng mga mangagawa.
Sa pagpasok ng rebolusyong industriyal, dumating ang iba’t ibang makinarya na nagbigay daan sa pagpapabilis sa paggawa ng mga sinulid, tela at mga damit. Ilan sa mga makina na ito ay:
Ang cotton gin o ang “cotton engine” – ito ay isang makina na nilikha ni Ely Whitney na nagpadali sa proseso ng paghihiwalay ng mga hibla ng bulak sa buto nito. Ito’y batay sa isang makina na ginagamit sa India ngunit ito ay mas pinahusay ni Whitney sa pamamagitan paglalagay ng mga maliliit na kalawit at mga screen wire upang maiwas ang pagbara ng bulak at mas paladali ang paghiwalay ng buto nito.
Ang Spinning Jenny – ito’y makina na nilikha ni James Hangreaves. Ito ay nagpabilis sa paggawa ng mga sinulid at paglalagay nito sa mga basyo nito. Bago ang spinning jenny nangangailan ng isang tao para makalikaha ng isang bungkos ng sinulid ngunit sa pagdating nito biglang bumilis ang produksyon. Isang tao na lang ang kailangan para makagawa ng walong basyo ng sinulid. Ang mga sinulid na lihak ng spinning jenny ay madalas na mababa ang kalidad at magaspang kumpara sa gawa ng kamay ngunit dahil sa mas mura ito at mas nakakatipid ang mga may-ari ng pabrika, 20000 na makina ang sabay sabay na ginagamit noong panahon na iyon.
Flying Shuttle – ang imbensyon na ito ay nagpabilis sa paghahabi ng mga sinulid upang maging tela. Sa tulong ng imbensyon ni John Kay, isang tao na lamang ang kailangan na gumamit ng isang habian. Bukod sa mas bumilis ang proseso ng paghahabi, nabawasan din ang kailangan na lakas paggawa ng mga may-ari ng negosyo.
Ang industriya ng textile na dating isang cottage industry ay nagtransisyon sa factory system dahil sa pag-unlad sa mga kasangkapan sa pagprose ng bulak at tela. Ito ay nag dulot ng kawalan ng trabaho at mahabang mga oras ng pagtatrabaho sa loob ng mga paggawaan. Mas naging mayaman ang mga may-ari ng mga pabrika ng textile dahil sa pagbabawas ng mga tauhan dahil sa malawakang paggamit ng mga mas epektibong makina sa paggawa ng tela at dahil sa mabilis na pagtaas ng demand sa damit na direktang epekto na rin ng paglaki ng populasyon sa loob ng mga urban na lugar.
Epekto ng Rebolusyong Industriyal sa Transportasyon
Ang naging tagumpay ng rebolusyong industriyal ay nakasalalay sa kakayahan na ihatid ng mga negosyante ang hilaw na materyales at ang mga tapos na produkto sa mga lugar na patutunguhan nito. Maaaring hindi naganap ang rebolusyong industriyal kung nanatiling primitibo ang paraang paglalakbay ng mga tao sa lupa at sa tubig.
Sa mga panahon na ito ang pinakamurang paraan upang maihatid ang mga hilaw na materyales ay sa pagbaybay sa mga ilog kung kaya mas pinalawak at pinalalim ang mga canal na dinadaan ng mga barko para mapadali ang paglalakbay nito. Sa panahon na ito mas pinipili ng mga tao ang maglakbay sa ilog kaysa sa riles, nagbago lang lahat ng ito nang maimbento ni James Watt noong 1769 ang isa sa mga unang epektibong modelo ng “steam engine”.
Ang steam engine ay ginamit upang mas lalong mapabilis sa paglalakbay ang mga tao. Sa gitna ng 1800’s matagal nang ginagamit ang steam power sa mga barko ngunit nang unang ginamit ang steam engine sa mga locomotive ito ang nagdulot ng malaking pagbabago sa transportasyon ng mga tao.
Noong 1928, nilikha ni John Stephenson ang unang gumaganang steam engine locomotive na tinawag nilang “Rocket”. Ito ay nagdulot ng pagsikat ng pagamit ng tren sa Europa at sa America.
Epekto ng Rebolusyong Industriyal sa Lipunan
Nagdulot ng malaking pagbabago sa pamumuhay ng mga tao ang rebolusyong industriyal. Karamihan sa mga pagbabagong ito ay nararamdaman pa rin ng mga tao sa modernong panahon. Isa sa idinulot nito ay ang pagbibigay tuon ng mga tao sa kahalagahan ng industriyalisasyon sa pag- unlad ng mga bansa.
Ang populasyon ay nagsimula lumipat sa mula sa mga rural na probinsya papunta sa urban na siyudad. Ito ay nagdulot ng maraming mga komplikasyon sa pamumuhay ng mga taong nakatira sa parehong lokasyon. Maraming mga panlipunang isyu ang nagsimulang makita sa pagbabago ng paraan ng pamumuhay ng mga taong lumipat ng tirahan.
Isa sa mga naging epekto nito ay ang mabilis na paglaki ng populasyon sa mga urban na lugar. Ang laki ng mga siyudad at ang mga imprastraktura ng mga sinaunang siyudad sa Europa ay hindi sapat para biglang pagbuhos ng mga migrante mula sa mga rural na lugar.
Ang mabilis na paglaki ng populasyon ay nagdulot ng kakulangan sa trabaho sa loob ng siyudad. Hindi rin nakatulong na nagsimula magbawas ng mga trabahador ng mga may-ari ng pabrika dahil sa mas mura na palitan ang mga tao ng mga makabagong makina na kayang magtrabaho ng mas matagal, mas mabilis at mas epektibo.
Sa panahon din ito naging laganap ang child labor o ang paghahanap buhay ng mga bata sa mga pabrika. Maraming pabrika din mga panahon na ito ang nagbibigay ng mga hindi makataong kondisyon ng pagtatrabaho. Mahaba ang mga oras ng trabaho(umaabot ng 10 hanggang 12 oras ang trabaho), madalas pa ay delikado ang mga trabaho na ito. Hindi rin kadalasan sapat ang pasahod ng mga may- ari sa kanilang mga tauhan. Ito ay nagresulta sa lumalawak na agwat sa pagitan ng mahirap at ng mga mayayaman.
Ang kondisyon ng kalikasan ay hindi rin maganda sa loob ng mga siyudad. Ang usok sa mga pabrika ay makapal at madalas na humahalo pa sa ulan, hamog at nyebe. Ang mga ilog ay naging tapunan ng mga kemikal at mga latak ng mga pabrika.
Konklusyon
Ang rebolusyong industriyal ay nagtulak sa mga tao sa landas ng industriyalisasyon. Kung hindi dahil sa rebolusyong ito ay hindi natin mararanasan ang mga ginhawa ng modernong panahon.
Ngunit kailangan pa din tignan ang mga naging negatibong aspeto na nagsimula sa panahon na ito. Karamihan ng mga isyu kinakaharap ng mga tao ngayon ay nagsimula dito at lalo pa nito lumalala sa kasalukuyan, tulad nang di pantay na distribusyon ng yaman at mabilis na pagkasira ng kalikasan.
Basahin: Bakit sa Tabi ng mga Ilog Nagsimula ang mga Sinaunang Kabihasnan?