Ang Iba’t ibang Uri ng Organisasyon ng Negosyo
Ano ang mga Uri ng Negosyo?
Ang negosyo ay tumutukoy sa anumang organisasyon o indibidwal na nakikilahok sa anumang gawaing pang-ekonomiya na nag-aalok ng mga serbisyo at produkto at naglalayon na kumita ng pera. Ang mga negosyo ay mayroon na iba’t ibang uri ng organisasyon na sinusunod, ang ilang halimbawa nito ay ang sole proprietorship, partnership, corporation, cooperative at ang Limited Liability Company (LLC)
Sole Proprietorship
Ito ay uri ng negosyo na pag-aari ng isang tao, ngunit maaaring may mga empleyado ito. Ang may-ari ay nagmamay-ari ng lahat ng kita at ari-arian, pero siya rin ay nagtagalay ng buong pananagutan sa mga utang at obligasyon ng negosyo.
Sa ganitong uri ng negosyo, ang may-ari ang may kabuuang kapangyarihan at responsibilidad sa kanyang negosyo. Ang kita ay hawak ng may-ari ngunit sa panahon ng pagkalugi ang may-ari din ang sasalo sa mga legal at pinansyal na obligasyon ng kanyang negosyo.
Kadalasan ang mga sole proprietorship ay mga maliliit na negosyo lamang. Ang kakayahan ng mga ganitong uri ng negosyo na umunlad at lumaki ay nakadepende sa kakayahan ng may-ari. Kadalasan kung biglang lumaki ang mga sole-proprietorship ito ay nagpapalit ng uri ng organisasyon upang mabawasan ang pinansyal at legal na responsibilidad ng may-ari ng negosyo.
Partnership
Isang uri ng negosyo kung saan dalawa o higit pa ang may-ari. Mayroong dalawang pangunahing uri ng partnership: general partnership (na may magkatulad na pananagutan sa utang at obligasyon ang lahat ng may-ari) at limited partnership (na may mga may-ari na may limitadong pananagutan).
Sa general partnership ang lahat ng mga may-ari ng negosyo ay naghahati sa kita at pantay pantay din ang responsibilidad na pinansyal at legal ng bawat miyembro ng partnership.
Sa kabilang banda, sa limited partnership, isa o kakaunti lamang sa partnership ang nakakakuha ng malaking porsyento ng kita ng negosyo ngunit kasabay nito ay ang mas malaking pinansyal at legal na pasanin ng isa o iilan na may-ari ng negosyo.
Corporation
Isang legal na katauhan na kung saan ay hiwalay sa mga may-ari at ang mga may-ari nito ay tinatawag na mga stockholder o shareholder.
Sa korporasyon, ang nagmamay-aari ay may limitadong pananagutan dahil ang korporasyon ay tinuturing na hiwalay na katauhan sa mga taong nagmamay-ari nito. Isang halimbawa nito ay kapag nahabla ang korporasyon, ang mga may-ari nito ay maaaring hind maging bahagi ng kaso dahil sa limitadong responsibilidad nila sa pamamalakad ng negosyo, ang korporasyon sa kabuuan ang tatanggap ng legal at pinansyal na pananagutan. Ang tawag dito ay limitadong pananagutan o limited liability
Ang korporasyon ay nabubuo sa pamamagitan ng proseso ng incorporation, kung saan ang isang kompanya ay nabibigyan ng katayuang legal na hiwalay sa mga nagmamay-ari sa negosyo. Ito ay nagbibigay proteksyon sa mga investors at stockholders sa mga magiging utang ng korporasyon. Sa oras na malugi ang kabuuang negosyo, ang tanging mawawala sa mga stockholder ay ang perang pinuhunan nila at ipinambili ng piraso ng kompanya, common stocks ang tawag sa mga maliit na piraso ng korporasyon na binili ng isang indibidwal.
May iba’t ibang uri ng korporasyon, tulad ng public corporation at private corporation.
Ang mga public corporations ay mga korporasyon na nag-aalok ng kanilang mga shares o stocks sa publiko, kaya’t maaaring binibili at inaalok sa stock market. Ito ay may maraming stockholders. Ang mga private corporation naman ay pag-aari ng isang pribadong indibidwal, grupo, o pamilya. Ang mga shares o stocks nito ay hindi inaalok sa publiko.
Cooperative
Ang mga cooperative o kooperatiba ay isang uri ng negosyo na pag-aari at pinapatakbo ng mga kasapi nito, ang kita ay ipinamamahagi batay sa kontribusyon ng bawat kasapi. Karaniwang layunin ng mga kooperatiba ang pagtutulungan para sa kapakinabangan ng lahat ng miyembro.
Sa kabilang banda, ang kita na maaaring makuha ng mga miyembro nito ay maliit lamang dahil hindi pagkita ng malaki ang layunin ng isang kooperatiba. Ito ay nagnanais na mabigyan ng stable na kita ang mga miyembro nito at matulungan ang mga kasapi nito.
Limited Liability Company (LLC)
Ito ay isang uri ng negosyo na nagbibigay ng proteksyon sa mga may-ari laban sa personal na pananagutan sa mga utang at obligasyon ng kumpanya. Ang isang LLC ay maaaring magkaroon ng maraming bilang ng may-ari ng bahagi ng kumpanya, at ang kita at buwis ay madalas na ibinabayad sa personal na antas. Ang mga may-ari ng isang LLC ay kadalasan na tinatawag na members.
Depende sa regulasyon kung estado o bansa itatatag ang isang LLC, maaaring maging miyembro ang kahit sino sa isang LLC kasama dito ang kahit sinong indibidwal, korporasyon, mga dayuhan at pati na rin ang ibang LLC.
Ito ay isang uri ng negosyo kung saan nagtataglay ng pinaghalong mga katangian ng isang corporation at partnership, kung saan nagkakaroon ng limitadong pananagutan ang mga may-ari ngunit ang pagbabayad ng buwis ay personal na pananagutan ng bawat miyembro nito.
Dapat bantayan ng miyembro ang wastong pagbabayad ng buwis upang mapaghiwalay nila ang mga buwis na kaugnay sa personal na kita at ang buwis para sa kita na nagmula sa negosyo.
Mas madali din magtatag ng isang LLC kaysa sa isang korporasyon dahil sa mas mababa ang mga hinihingin pamantayan sa pagtatayo nito. Ang isang kaibahan ng LLC sa corporation ay kung sakaling malugi ang kompanya, ang mga nagpautang ay maaaring habulin ang mga miyembro ng LLC.