Sociological Imagination: Perspektibo sa Kontemporaryong Isyu
Ang Sociological Imagination
Lahat ng tao sa lipunan ay nakakaranas ng problema sa buhay, ito ay maaaring kawalan ng trabaho, problema sa kalusugan, kakulangan ng edukasyon, bisyo at iba pa. Madaling sabihin na ang mga problema na ito ay mga personal na isyu lamang ng tao na iyon at siya ang dapat lamang sisihin sa kanyang problemang kinahaharap dahil ay maaaring dulot ng kanyang kakulang ng aksyon sa mga hamon na iyon.
Ngunit ayon sa aklat ni C. Wright Mills na “The Sociological Imagination”, ang mga personal na problema na kinahaharap ng isang indibidwal ay maaaring hindi lamang dulot ng kanyang kabiguan na maging mabuting mamamayan kung hindi ay nakaugat din ito sa mga problema na nagmumula mismo sa lipunan na kanyang ginagalawan.
“p5-what they need..is a quality of mind that will help them to use information and to develop reason in order to achieve lucid summations of what is going on in the world and of what may be happening within themselves. It this this quality..what may be called the sociological imagination.”
― C.Wright Mills, The Sociological Imagination
Isyung Personal at Isyung Panlipunan
Ano nga ba ang kaibahan ng isyung personal at isyung panlipunan?
Ang mga isyung personal ay mga problema na nakakaapekto sa isang indibidwal at maaaring nararanasan din ng iba pang miyembro ng lipunan. Ito ay madalas na isinisisi sa mga pagkukulang at personal na pagkakamali ng mga apektadong indibidwal. Ilang halimbawa nito ay ang palaging kahirapan, kahinaan sa akademikong gawain, unemployment, at problema sa bisyo.
Ang mga isyung panlipunan ay mga problema sa lipunan na nakakaapekto sa mga maraming indibidwal. Ang mga panlipunang isyu na ito ay madalas nagmumula sa kultura, panlipunang sistema at istruktura na matagal nang naitatag sa isang komunindad. Ang pag-obserba sa mga problema sa lipunan ay nakakatulong upang magbigay liwanag sa mga problemang nararanasan ng isang indibidwal sa loob nito.
Naniniwala si Mills na marami sa mga problema na madalas tinuturing natin na mga pribadong isyu ay mas madaling mauunawaan kung ituturing ito bilang mga isyung panlipunan.
Ang abilidad na masuri ang mga interseksyon at koneksyon ng personal na isyu ng isang tao at ang mga isyung panlipunan ay tinatawag na sociological imagination.
Ilang Halimbawa ng Sociological Imagination
Upang mailarawan ang paggamit ng sociological imagination, gamitin natin na halimbawa ang unemployment. Ayon kay Mills, kung iilan na tao lamang ang walang trabaho sa isang pamayanan, maaari natin maipaliwanag ang kanilang kawalan ng hanapbuhay sa pamamagitan ng pagsasabi na sila ay tamad, may kakulang sa kasanayan sa trabaho, pagiging dependent sa kamag-anak at iba pa. Kung ganito nga ang magiging kaso, ito ay maituturing na isang personal na isyu.
Ngunit kung milyon-milyon na tao ang walang hanapbuhay sa lipunan, ito ay maituturing na isyung panlipunan. Ito ay maaaring dulot ng mahinang pang-ekonomikong istruktura, kakulang ng mga opurtunidad, mababang kalidad ng edukasyon at iba pa.
Sa ganitong pagkakataon, kailangan natin gumawa ng solusyon na isinaalang-alang natin ang mga ekonomikal at politikal na mga institusyon ng lipunan kaysa bigyan natin ng diin ang mga personal na kondisyon ng bawat indibidwal sa pamayanan.
Maaaring totoo na may ilan na nawalan ng trabaho bunsod ng kakulangan nila sa pagpapahalaga sa kanilang trabaho ngunit hindi ito magiging sapat upang ipaliwanag kung bakit milyon na tao ang walang hanapbuhay. Kailangan natin alamin ang puno’t dulo nito at dapat natin ituring ang problema na ito bilang isang isyung panlipunan upang mabigyan ito ng wastong solusyon.
Isa pang halimbawa ay ang palaging huli ng mga Pilipino sa pagpasok sa tamang oras, o ang di kaaya-ayang bansag na “Filipino Time”. Maaaring ang isang indibidwal ay palaging nahihirapan sa pagpasok ng tamang oras sa kanyang trabaho kahit na umaalis siya ng maaga sa kanyang tirahan. Maaaring isisi sa kanya ng kanyang mas nakakataas na ito ay resulta ng kanyang kawalan ng dedikasyon sa trabaho at hindi niya pinipilit gumising ng maaga para makapasok ng wasto sa oras.
Kung pareho lamang nakatira sa Metro Manila at pareho ang oras ng paggising niya sa mga kasamahan niya na nakakapasok sa wastong oras, maaari na ang problema ay sa indibidwal na iyon. Ngunit kung ang bansa ay nawawalan ng bilyong piso ng kita sa negosyo dahil lang marami sa mga Pilipino ang palaging huli sa pagpasok maaaring hindi ito personal na isyu.
Kung titignan sa ibang perspektibo, daan daang mga trabahador at mag-aaral ang sabay-sabay na bumabyahe, nakikipag-agawan at nakikipagsiksikan upang makasakay ng pampublikong sasakyan sa Kamaynilaan. Mula sa karanasan ng indibidwal at sa karanasan ng ibang tao malalaman natin na ang problemang pantrapiko at kakulangan sa pampublikong transportasyon ay isang malaking isyung panlipunan sa loob ng Metro Manila.
Konklusyon
Ang sociological imagination ay nakakatulong sa pagpapadali ng paghahanap ng solusyon sa mga isyu na ito dahil sa mga bagong pananaw na iyong tinitignan sa isang suliranin.
Ang solusyon sa isang isyung personal ay nasa kamay ng indibiduwal. Maituturing ang isyung ito na pribadong bagay na nararapat solusyunan sa pribadong paraan. Samantala ang isyung panlipunan ay isang pampublikong bagay. Karaniwang kaugnay ito ng krisis o suliranin sa mga institusyong panlipunan. Mga suliranin ito na nakakaapekto hindi lamang sa isang tao kundi sa lipunan sa kabuuan.
Mahalagang malaman natin na sa kabila ng pagkakaiba ng isyung personal at isyung panlipunan, ang dalawang ito ay magkaugnay. Isang halimbawa nito ay ang mga hamon pangkapaligiran. Ang makalat na bakuran ay isang halimbawa ng isyung personal subalit kung ang isang barangay o ay magiging makalat dulot ng kawalan ng maayos na sistema ng pagtatapon ng basura, ito ay maituturing na isyung panlipunan.
Sanggunian
Crossman, Ashley,” Definition of the Sociological Imagination and Overview of the Book”, Thoughco.com, 2019, https://www.thoughtco.com/sociological-imagination-3026756#
“What Are Contemporary Issues?”, reference.com, https://www.reference.com/world-view/contemporary-issues-b4aa8e48930f1bcf
“Sociological Perspectives on Social Problems”, section 1.2 from the book A Primer on Social Problems (v. 1.0), https://2012books.lardbucket.org/books/a-primer-on-social-problems/s04-02-sociological-perspectives-on-s.html