Ang Pinagkaiba ng Gender at Sex
Sa wikang Filipino ang salitang kasarian ay ginagamit upang bigyan ng kahulugan ang sex at gender. Ito ay nagbibigay ng malaking problema sa mga usapin sa bansa na may kaugnayan sa sekswalidad dahil madalas na pinagpapalit ng mga tao ang kahulugan ng kasarian upang tukuyin ang sex at gender.
Ano ang Sex?
Ang sex ay tumutukoy sa pagkilala kung ang isang tao ay babae o lalaki sa pamamagitan ng mga biyolohikal na katangian tulad ng pagkakaiba ng genitalia ng mga lalaki at babae.
Sa kabilang banda ang gender naman ay ang pagkalalaki o pagkababae ng isang tao na hinubog ng kanyang personal na perspektibo, kultura, tradisyon, at mga panlipunang kinagawian.
Karaniwang kaalaman na mayroon lamang dalawang sex: lalaki at babae. Ngunit mayroon din tayong mga tao na tinatawag na intersex.
Ang intersex ay tumutukoy sa mga pisikal na katangian at ang sekswal na katangian na hindi maikakategorya bilang lalaki o babae. Ito ay maaaring dulot ng problema sa chromosome ng tao, mga isyu sa hormones ng isang tao o ang depormasyon ng ari sa kanyang kapanganakan(halimabawa ay pagtataglay ng parehong ari ng dalawang sexes). Ayon sa mga pag-aaral, 1 sa 100 tao ang maaaring ipanganak na intersex
Ano ang Gender?
Ang gender ay ginagamit din upang tukuyin kung babae o lalaki ang isang tao ngunit ang ginagamit na batayan ay ang mga panlipunan at pang-kulturang pagkakaiba ng dalawang kasarian. Minsan ay ginagamit din ang gender upang tukuyin ang pagkakilanlan ng isang tao na hindi pasok sa karaniwang kahulugan ng lalaki at babae.
Ang karaniwang batayan ng gender ay ang gender identity at roles na mayroon sa lipunan: ito ay pagiging masculine o feminine. Sila ay inaasahan na susunod sa mga katangian o gawain na itinakda at kinikilala ng lipunan.
Isa sa halimbawa nito ay may mga tao ng tinuturing nila ang kanilang sarili bilang non-binary, kung saan ang isang non-binary ay hindi sumusunod sa tradisyonal na male-female binary ng lipunan. Isang halimbawa ay pagsusuot ng mga pananamit na ginawa para sa kabilang kasarian at kumikilos na tulad sa kabilang kasarian.
Mayroon din mga tao na bigender, kung saan ang isang tao ay gumaganap sa gender role ng parehong lalaki at babae. Ang mga agender naman ay mga tao na hindi tinuturing ang kanilang sarili na bahagi ng kahit anong kasarian.
Sa kasalukuyan, bukas ang mga usapin sa kasarian hindi tulad dati na ito ay taboo at iniiwasan talakayin ng mga tao. Sa ibang bansa ito ay binibigyan ng malaking atensyon at sila ay nagnanais na gumawa ng karampatang batas at karapatan para sa mga tao na bahagi ng iba’t ibang gender identity. Samantala sa Pilipinas ito ay pinagdedebatehan pa ng mga mambabatas at mga miyembro ng simbahan at lipunan dahil sa konserbatibo at tradisyunal na pananaw ng karamihang Pilipino.
Bilang buod, ang sex ay isang biyolohikal na katangian na taglay nang isang tao simula ng siya ay pinanganak at maaari lamang ito mabago kung dadaan sa isang operasyon ang tao na ito para baguhin ang kanyang sex. Ang gender naman ay nahuhubog ng personal na pananaw ng isang tao at ang gawi ng lipunan na nakapalibot sa kanya.
Follow, Subscribe, Comment, and Like the Aralipunan YouTube Channel
Mga Sangunian
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4441533/pdf
- https://www.healthline.com/health/sex-vs-gender#gender
- https://www.doh.gov.ph/node/1378