Ano ang mga Salik ng Produksyon?
Mayroong apat na salik ng produksyon – lupa, kapital, paggawa, at ang entrepreneur. Ang apat na salik na ito ay ang mga pangunahing sangkap (input) na kinakailangan ng kahit anong lipunan upang makabuo ng produkto (output) na ninanais nito.
Lupa
Ito ay ang mga likas na yaman at iba pang bagay na galing sa kapaligiran na ginagamit sa produksyon tulad ng mismong lupa, deposito ng mineral, kahoy, at tubig.
Dito itinatayo ang mga pabrika at mga imprastraktura ng produksyon. Dito nanggagaling ang mga hilaw na materyales na ginagamit sa produksyon.
Kapital
Ito ay tumutukoy sa likas nayaman, mga kasangkapan at mga paraan na maaaring magamit upang simulan at ipagpatuloy ang produksyon. Ilan sa halimbawa nito ay hilaw na materyales, makinarya, pabrika, gusali, mga truck, at opisina.
Isa sa dapat linawin ay ang pagkakaiba ng physical capital (mga bagay na ginagamit sa produksyon) at ang finance capital (salapi). Ang finance capital ay tumutukoy sa pera na ginamit upang bilhin ang mga capital goods at ginagastos sa pagpapatakbo ng isang negosyo.
Ang pera ay hindi tinuturing na bahagi ng salik ng produsyon dahil hindi ito maaaring ituring na productive resource. Kahit na ginamit mo ang salapi upang bilhin ang capital goods (mga kasangakap at hilaw na materyales) para sa produksyon, ang capital goods pa rin ang ginagamit upang lumikha ng produkto at serbisyo.
Halimbawa, ang isang karpentero ay bumili ng lagari na gagamitin niya sa pagputol ng kahoy na gagamitin sa pagtatayo ng bahay. Sa sitwasyon na iyon ang salapi ay ginamit lamang para makamit ang kasangkapan para sa pagtatrabaho dahil hindi naman magagamit ng karpentero ang limang-daang pisong papel o barya para hatiin ang kahoy. Ang salapi ay nakakatulong sa palitan ng produkto at serbisyo ngunit salapi ay hindi nagagamit sa kahit anong proseso ng produksyon.
Paggawa
Ang lupa at kapital ay walang silbi kung walang tao na kikilos upang maging produktibo ito, kailangan natin ng paggawa. Ang paggawa ay tumutukoy sa mental at pisikal na kakayahan ng mga manggagawa at empleyado na mga maglingkod at lumikha ng produkto.
Bahagi ng paggawa ang lahat ng tao na naghahanapbuhay. Ito ay tumutukoy din sa “lakas paggawa”(labor force) ng isang bansa. Ito ay ang bilang ng mga tao na nasa wastong edad na maaaring magtrabaho sa isang bansa.
Ang lakas paggawa at ang paggawa bilang salik ng produksyon ay magkaibang konsepto kahit na sila ay magkaugnay sa mga usaping pang-ekonomiya.
Entrepreneur
Ang tatlong salik ng produksyon ay dapat maorganisa at mapagsama upang magkaroon ng produksyon. Ang mga manggagawa ay dapat na mabigyan ng layunin bago pa nito gamitin lupa at kapital sa paggawa.
Dito natin kailangan ang entrepreneur. Ang entrepreneur ang utak ng produksyon. Siya ang kumikilala sa pangangailangan at mga opurtunidad na maaaring makuha sa pagbuo ng isang produkto.
Ilan sa mga ginagampanan ng isang entrepreneur ay:
- siya ang nag-iisip ng mga ideya at nagpapatupad nito,
- pinagsasama niya ang mga salik ng produksyon,
- siya ang naghahanap ng pera at puhunan,
- siya ang bumubuo sa istraktura ng negosyo,
- siya ang bumubuo sa mga patakaran ng negosyo,
- siya ang aani ng tagumpay at ang malulugi sa bigong negosyo