Ano ang Merkantilismo?
Kahulugan ng Merkantilismo
Ang merkantilismo ay isang doktrina na nagnanais na mapalawig ang pambansang kaunlaran at mapalakas ang kapangyarihan ng estado sa pamamagitan ng sumusunod:
- Sa pagkalap ng mga mahahalagang metal(ito ay madalas na ginto at pilak) sa tulong ng pagpapanatili ng balance of trade na pabor sa merkantilistang bansa.
- Sa pagkamit ng pang-ekonomikong kasarinlan sa pamamagitan ng imperialismo.
- Sa paggamit at pagkuha sa mga likas na yaman at mahahalagang metal ng kanyang mga kolonya at kasabay nito ay ginagamit ng merkantilistang bansa ang kanyang mga kolonya bilang mga eksklusibong tagatangkilik sa kanyang binebentang mga export at produkto.
Ito ay naging sikat sa Europa sa ika-17 siglo, lalo na sa mga bansa na Britanya, Pransya, Espanya at Alemanya(Germany), kung saan ito ay naging pangunahing pampolitika at pang-ekonomiyang ideolohiya nila.
Maikling Paliwanag sa Merkantilismo
Unang lumitaw ang merkantilismo sa kasagsagan ng “panahon ng eksplorasyon” na muling nagpasigla sa kalakalan ng Europa. Ang dating sentro ng kalakalan at kapangyarihan na mga manor ay unti unti nang iniwan ng mga pinuno ng mga Europeong bansa, naging malinaw sa kanila na sa paglakas ng dayuhang kalakalan ang kapangyarihan at sentro ng kalakalan ay nasa kamay na ng Estado.
Ang mga medieval na konsepto ng pagsukat sa kapangyarihan ay napalitan ng mga doktrina ng merkantilismo. Noong 1600’s CE, ang naging sukatan ng kapangyarihan ng isang hari at estado ay ang dami ng ginto at pilak na hawak ng bansa at kung gaano kalaki ang hukbo ng bansa na iyon.
Upang mapanatili ang mga mahahalagang metal sa paglabas sa kaban ng bansa, ipinagbabawal o pinapaiwas ng estado ang kanyang mamamayan at mga katutubo sa kanilang kolonya na bumili ng mga ibang dayuhang kalakal. Ang Britanya ang isa sa unang bansa na nagpatupad ng sistema na ito. Sa pamamagitan ng Sugar Act of 1764, papatawan ng Britanya ng malaking buwis ang mga dayuhang asukal upang hindi bilhin sa mga kolonya nila. Ito ay inaasahan nilang magbigay ng monopoly para sa mga Briton na nag-eexport ng asukal sa kanilang kolonya.
Naging importante sa panahon na ito ang pangkonkolonya dahil sa pananaw ng mga merkantilista, ang kolonya ay isang lamang pinagkukunang yaman dapat gamitin at mga taong nakatira doon ang mga konsumer ng mga produkto na kanilang lilikhain mula sa kinuha nilang yaman.
Mula sa spices, mina ng ginto at pilak,asukal, at mga alipin ay kinukuha mula sa kolonya at ipinadadala sa Europa. Ang mga mangangalakal at mga may-ari ng barko ang higit na kumita sa gawain na ito.
Iba pang Artikulo
Book Recommendation
Ito ang ilang mga aklat aming nirerekomenda na basahin niyo upang higit na mapalawak ang inyong interes at magkaroon pa ng mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan ng mundo.
- The Silk Roads: A New History of the World by Peter Frankopan
- Salt: A World History by Mark Kurlansky
- Sapiens: A Brief History of Humankind by Yuval Noah Harari
- Guns, Germs, and Steel: The Fates of Human Societies by Jared Diamond