Ano ang kahulugan ng Makabayan at Makabansa?
Makabayan at Makabansa
Ang dalawang termino, makabayan at makabansa, ay madalas na napagpapalit ng karamihang tao dulot na rin ng halos magkatulad na kahulugan nila.
Ang parehong salita ay tumutukoy sa masidhing pagmamahal sa bayan at ang katapatan ng isang mamamayan sa bansa na kanyang kinalakihan.
Pagiging Makabayan (Patriotism)
Ang pagiging makabayan ay tumutukoy sa damdamin na nahahayag ng pagmamahal, debosyon at malalim ng ugnayan sa kanyang bayang sinilangan at sa mga kaugalian at kultura ng bayan na iyon.
Ito ay isang paniniwala na ang iyong bayan na pinagmulan ay ang pinakamahusay sa lahat ngunit hindi mo nanaisin na ipilit sa iba ang paniniwala na ito.
Ito ay maaaring maipakita sa maraming paraan tulad ng paglilingkod sa bayan, pagrespeto sa watawat at iba pang simbolo ng bansa, papapakilala sa ibang bansa ng kultura ng iyong bayan at iba pa.
Dahil ang pagiging makabayan ay nakaugnay sa dangal ng bansa, ang isang makabayan na tao ay naghahangad ng kapayapaan at pag-unlad ng kanyang Inang Bayan at ang mga taong ito ay bukas sa pagbibigay ng kritisismo sa mga hindi magandang gawain na ginagawa ng kanyang kababayan.
Pagiging Makabansa(Nationalism)
Ang pagiging makabansa ay isang doktrina na kung saan ang isang mamamayan ay higit na nagbibigay-pansin sa interes ng sariling bansa at hindi binibigyan ng atensyon ang interes ng ibang bansa o ang interes ng lahat ng bansa sa mundo. Ito ay mas matinding anyo ng pagiging makabayan o patriotismo
Ang pagiging makabansa ay nag-uugat sa mga mahahalagang rebolusyon sa ating kasaysayan tulad ng French Revolution at mga rebolsyon para kalayaan na naganap sa iba’t ibang panig ng mundo sa pagtatapos ng panahon kolonisasyon na nagwaksi sa mga sistema ng monarkiya at nagbibigay ng empasiya sa konsepto ng iisang bansa at pagtatangol sa soberanya at kalayaan ng isang bansa mula sa pakikialam ng mga dayuhan.
Ngunit ang labis na nasyonalismo nagdudulot din ng maraming masamang epekto sa mga bansa na nakakaranas nito. Ang isa sa pangunahing dulot nito ay ang hindi pagtingin sa mga maling ginagawa ng kanilang lider, pamahalaan at nang kanilang bansa. Nakikita ng mga mamamayan na may labis na nasyonalismo na ang pagsalungat sa kagustuhan ng kanilang pamahalaan bilang hindi pagiging nasyonalistiko kahit na alam nila ang ang kanilang gobyerno ay gumagawa ng isang maling bagay.
Ang labis na pagiging makabansa ay nagdulot sa pagkatatag ng mga Fascist na mga pamahalaan. Ang mga fascist ay ginagamit ang nasyonalismo at ang ideya na pagiging superyor sa iba upang lalong palawingin ang kanilang mga personal na kapangyarihan. Kung saan naging label na lamang ang salitang “Makabayan” para sa mga taong sumasang-ayon sa kanilang pamamahala at “traydor” ang mga taong hindi sang-ayon sa kanilang pamahalaan.
Isang halimbawa nito ay kung ang isang politiko ay lantaran na sinisisi ang mga pagbagsak ng ekonomiya at pagtaas ng kahirapan ng bansa sa mga dayuhan na naninirahan sa isang bansa at sa mga kritiko ng kanyang pamamahala.
Jingoism at Isolationism
Ang labis na nasyonalismo ay maaaring magdulot sa dalawang anyo nito, Jingoism at Isolationism.
Ang jingoism ay ang labis na pagbibigay-diin sa isang agresibong patakarang panlabas at ang labis na pokus sa militarisasyon. Ang Isolationism naman ay isang doktrina na naglalayon na putulin ang kahit anong ugnayan ng isang bansa sa lahat ng bansa na nasa labas ng kanyang teritoryo kasama na rito ang pagtanggi sa mga alyansa, kasunduang pang-ekonomiya at mga internasyon na mga kasunduan.
Ibang Artikulo
Ano ang Monarkiya
Ano ang Cold War? : Ang Kahulugan at Sanhi nito
Sino ang Pambansang Bayani ng Pilipinas?
Salik sa Pagsisimula ng Rebolusyong Pranses
Bakit Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig o World War I(WWI)?
Ano ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o ang World War II(WWII)
Sanggunian
Nationalism: Theory, Ideology, History. 2010. pp. 9, 25–30
Patriotism vs. Nationalism, Dictionary.com