Ano ang Kapitalismo?: Kasaysayan at mga Katangian
Ano ang Kapitalismo?
Ang Kapitalismo (Capitalism), ay kilala rin sa tawag na “free enterprise”, “private enterprise”, o “free market” economy, ay ang dominanteng sistemang pang-ekonomiya sa Estados Unidos at iba pang mga bansang kanluranin.
Ang kapitalismo ay isang sistema na kung saan ang mga pamamaraan ng produksyon at distribusyon ay pag-aari ng mga pribadong indibiduwal (halimbawa ay lupa, pabrika, riles at iba pa). Malaki ang nagiging epekto ng daloy at kondisyon ng pamilihan sa paggabay sa produksyon at pamamahagi ng kita at sweldo.
Tinutulak ng sistema na ito na bigyan ng pansin ng isang kapitalista ang pagkamit ng tubo lalo na sa matinding kompetisyon sa ilalim ng sistema na ito.
Simula ng Kapitalismo
Ang makabagong kapitalismo ay nagsimula sa pagitan ng ika-16 hanggang ika-18 siglo sa Britanya dahil sa pagyabong ng industriya ng tela sa Britanya at pagsisimula ng Rebolusyong Industriyal. Ang maagang konsepto ng kapitalismo ay unti-unting lumaganap sa Hilagang Europa at Hilagang America.
Ang mga Katangian ng Kapitalismo
Kung susumahin, ang katangian ng kapitalismo ay malilista sa sumusunod:
- Pagpapalago ng kapital, ang isa sa pangunahing layunin ng produksyon ay pagpapalago ng kapital at kita.
- Paglikha ng kalakal para sa palitan sa pamilihan
- Pribadong pag-aari sa mga paraan ng produksyon.
- Pagsalalay sa mataas na bilang ng manggagawa
- Pamumuhunan
- Paggamit sa pinakamahusay at pinakamatipid na paraan sa pagproseso ng mga hilaw na materyales at lakas paggawa.
- Kalayaan ng mga kapitalista na kumilos batay sa pansariling interes kaugnay sa kanilang negosyo.
Ang mga Haligi ng Kapitalismo
Pribadong Pag-aari
Ang pribadong pag-aari ang pinakapayak na elemeto ng kapitalismo. Sinisigurado nito na ang bawat tao ay may Karapatan na magmay-ari ng mga economic goods at resources sa lehitimong pamamaraan, pumasok sa mga kontrata sa kaugnay sa gamit nito at kalayaan sa paraan kung paano niya ito gagamitin.
Ayon sa Pilosopong si John Locke, ang Karapatan na magkaroon ng pribadong pag-aari ay isang natural na karapatan na dapat ay malaya sa kapangyarihan ng estado.
Ang pagbibigay ng karapatan magmay-ari ay tumutupad sa mga importanteng bahagi ng ekonomiya:
- Ito’y nagtutulak sa isang tao na gamitin ang kanyang pag-aari sa isang produktibong paraan.
- Ito ay may malaking epekto sa distribusyon ng yaman at kita dahil ang karapatan na ito ay nagbibigay kakayahan sa isang tao na mag-ipon ng yaman at ipasa ito sa iba sa oras ng kanyang kamatayan.
- Ito ay nagdudulot ng palitan, kailangan nagtataglay ng karapatan na magmay-ari ang isang tao bago siya magkaroon ng kakayahan na ipasa ang mga karapatan na iyon sa iba.
Ang “Invisible Hand”
Ang prinsipyo ng invisible hand ay unang nalathala sa aklat ni Adam Smith na “the Wealth of Nations”(1776). Ang ideya sa likod nito ay ang bawat indibiduwal ay sariling interest at kagustuhan, at kung walang paghadlang mula sa pamahalaan at hahayaan lamang na pumili ang tao batay sa kanyang interes, sila’y ay gagabayan ng pwersa ng pamilihan o ng “invisible hand” upang piliin ang higit na makakabuti sa kanila at kaugnay nito ang kabutihan ng lipunan at ekonomiya. Ika ng ani Adam Smith:
Every individual… neither intends to promote the public interest, nor knows how much he is promoting it… he intends only his own security; and by directing that industry in such a manner as its produce may be of the greatest value, he intends only his own gain, and he is in this, as in many other cases, led by an invisible hand to promote an end which was no part of his intention.
The Wealth Of Nations, Book IV, Chapter II, p. 456, para. 9.
Ang pansariling interes ang nagtutulak sa isang tao na kumilos ngunit upang magdulot ng positibong epekto sa isang kapitalistang lipunan kailangan ang tao na iyon ay nakakapag-isip sa isang makatuwirang paraan. Dito na nabuo ang konsepto ng economic man, ang isang tao na ginagabayan ng mga pwersa ng pamilihan at bumubuo ng kanyang desisyon na kung saan makakamit niya ang pinakamataas na pakinabang sa isang bagay nang nagsasakripisyo ng maliit na halaga.
Laissez-Faire
Ang laissez-faire ay kawalan ng pakikialam at paghadlang mula sa pamahalaan ay nagdudulot sa isang malayang pamilihan at economic individualism.
Ang isang konsumer ay malaya na pumili kung saan niya nais gastusin ang kanyang sweldo. Ang isang prodyuser ay malayang gamitin ang kanyang kapital sa paraan na nakikita niyang ito ay higit na produktibo sa kanyang pananaw.
Sa ating lipunan at kahit saan man, ang konsepto ng laissez-faire ay limitado dahil sa mga batas at patakaran na nilikha ng lipunan para proteksyon at kabutihan ng lahat. Kung susundin ng kompleto ang laissez-faire at hindi makikialam ang gobyerno, isa sa ikinababahala ng mga tao dito ay ang paglaganap ng mga illegal na gawain at pagpoprodus ng mga produkto na maaaring makasira sa mga pagpapahalaga ng isang lipunan tulad ng pang-aalipin at pagbebenta ng ilegal na droga. Upang maiwasan ito kailangan maglagay ng restriksyon ang lipunan at pamahalaan sa kung ano ang katanggap-tanggap habang hindi tuluyan na nasasakal ang pagkilos ng pamilihan.
Kompetisyon at Free Market
Ang kapitalismo ay gumagana sa ilalim ng kompetisyon sa pagitan ng mga nagpoproduce ng mga produkto at sa pagitan ng mga mamimili. Ang free market at kompetisyon ay malaki ang ugnayan sa bawat isa.
Sa teorya, ang isang katangian ng kompletong anyo ng free market ay kung saan may maraming nagbebenta ng isang produkto at madami din ang nagnanais na bumili ng produkto na iyon. Ang bawat isa sa mamimili at nagbebenta ay may maliit na bahagi lamang sa kabuuan ng pamilihan na iyon na wala sinuman sa kanila ang makakaapekto sa presyo ng isang produkto.
Sa ilalim ng mga gaanong pagkakataon, ang presyo ay nakasalalay sa mga mapapagkasunduan ng mamimili at nagbebenta dahil sa tulak ng supply at demand. Ito ay isang sitwasyon na kung saan ang mamimili at negosyante ay may kakayahan na magdesisyon kung nais nilang magkaroon ng transaksyon batay sa kasalukuyang presyo na nakapresenta ka kanila – isang presyo na kung saan ang parehong Partido ay walang kontrol dahil pareho silang walang malaking impluwensya sa mercado.
Ngunit sa realidad, ang kompetisyon at free market ay hindi makikita sa pinakapurong at kompletong anyo nito. Ang pinakamalapit na pure free market na masasaksihan mo ay ang mga palengke kung saan ang lahat ng mamimili at negosyante ay nakakalakalan ng mga produktong bahagi ng pangunahing pangangailan.
Ang isang free market ay nagtatatag ng sumusunod:
- Competitive price para sa consumer goods at mga salik ng produksyon
- Epektibong paggamit sa mga economic resources
Price System
Ang bawat produkto at serbisyo ay may presyo. Sa isang free market, ang mga presyo na ito ay nakadepende sa dami ng nais ibenta ng isang kapitalista at sa dami ng nais bilhin ng isang mamimili.
Kung maraming ang nais bumili ng isang produkto, ang presyo ng produkto na iyon ay tataas, ang mga nagsu-supply naman ay maeeganyo na mag-produce pa at magbenta ng mas marami. Sa kabaliktaran, kung kaunti lamang ang nais bumili ng isang produkto, bababa ang presyo ng produkto na iyon, makikita naman ng mga nagsu-supply mas makakabuti kung limitahan ang bilang ng lilikhain na produkto na iyon.
Sanggunian
- “Capitalism”, britannica.com, https://www.britannica.com/topic/capitalism
- “Capitalism”, Jim Chapellow, https://www.investopedia.com/terms/c/capitalism.asp
- “Contemporary Economics”, Milton H. Spencer, Worth publishing Inc., 3rd Edition, 1977
Iba Pang Artikulo
- Ano ang Sosyalismo?
- Conflict Theory
- Multinational Corporation at Transnational Corporation
- Ano ang Heograpiya?
- Isyu Pangkapaligiran sa Pilipinas