Ano ang Kahulugan ng Hazard, Risk at Vulnerability?
Ano ang Kahulugan ng Hazard
Ang hazard ay mga bagay, pangyayari o gawain na maaaring magdulot ng pinsala sa buhay, ari-arian, at kalikasan. Halos lahat ng ginagalawan ng tao ay mga nakaambang mga hazard ngunit ang panganib na maaaring kaharapin ng isang indibuwal ay nakadepende sa mga sitwasyon.
Dalawang Uri ng Hazard sa Pag-aaral ng mga Isyu Pangkalikasan
- Natural hazard – ito ay tumutukoy sa mga hazard na nagmumula sa mga natural na umiiral na mga phenomena, maaaring penomenang geophysical, (lindol, landslide at iba pa), hydrological (pagbaha, avalanche, at iba pa), climatological (matinding pag-init o paglamig), Meteoroligical (bagyo, ipo-ipo, at iba pa) o kaya ay biological (pandemya at pagkalat ng mga peste)
- Man- made hazard – ito ay tumutukoy sa mga hazard na bunga ng mga gawaing pantao. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang polusyon, pagsira sa kalikasan, aksidente at iba pa.
Ano ang Kahulugan ng Vulnerability
Ang vulnerability ay ang mga katangian at mga kahinaang taglay ng isang tao, bagay o isang lugar na maaaring magdulot ng mas mataas na posibilidad na malagay sa panganib dahil sa mga hazard na nasa paligid nila.
Ang pagiging vulnerable ng isang tao o lugar ay naiimpluwensyahan ng mga kalagayang heograpikal, proximity sa mga hazard at antas ng pamumuhay.
Isang halimbawa nito ay mas vulnerable ang mga taong nakatira sa tabi ng ilog at estero sa pagbaha at sakit kung ikukumpara sa mga taong malayo ang tirahan sa ilog at estero na iyon. Mas vulnerable ang mga taong nakatira sa bahay kubo sa hangin ng bagyo kung ikukumpara sa mga tao na nakatira sa bahay na gawa sa bato.
Risks
Ang risks naman ay ang tumutukoy sa posibilidad ng pinsalang maaaring matamo ng isang tao, ari-arian, at kapaligiran dulot ng isang sakuna o aksidente.
Ang posibilidad na ito ay nakasalalay sa mga hazard na nasa kapaligiran at kung gaano kalaki ang vulnerability ng mga tao o imprastraktura na malapit sa hazard na iyon.
Isang halimbawa nito ay mas mataas ang posibilidad ng sunog(risk) sa mga komunidad na magkakadikit ang mga tahanan at hindi maayos ang koneksyon ng kuryente (hazard) at ang mga taong higit na nasa peligro ay ang mga taong bahagi ng komunidad na iyon at gawa sa kahoy at iba pang light materials ang bahay(vulnerability).
Isa pang halimbawa, mas mataas ang bilang ng nagkakasakit sa mga lugar na siksikan ang mga tao. Mas malaki ang risk na ikaw ay mahahawa ng sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo kung ikaw ay nakatira sa lugar na may mataas na population density.
Maraming mga aspekto ang nakakaapekto sa vulnerability at sa risk ng mga tao. Ilan dito ay ang kasalukuyang kalusuagan nila, sosyo-ekonomikong katayuan sa buhay, proximity o layo ng hazard sa tao na iyon at ang pang-araw-araw na exposure ng isang tao sa mga hazard sa paligid nila.
Sa madaling salita, iba- iba ang antas ng risk at vulnerability na kinakaharap ng bawat tao.
Sangunian
- Batang, Jay Son C., “Ugat ng Lahi: Isyung Kontemporaryo”, Full Bright Publication (2017), pahina 16 – 18
- Mga Kontemporaryong Isyu, Araling Panlipunan 10 Modyul, DepEd
- “Hazard and Risk – What is a Hazard”, Canadian Centre for Occupational Health and Safety website, https://www.ccohs.ca/oshanswers/hsprograms/hazard_risk.html
- “Hazard and Risk”, Health and Safety website, https://www.hsa.ie/eng/Topics/Hazards/
Iba Pang Artikulo
Cyclone, Hurricane, at Typhoon, Ano ang Pinagkaiba?