Gamit ng Pandiwa: Aksiyon, Karanasan at Pangyayari
Ang pandiwa ay isang bahagi ng pananalita na nagsasaad ng kilos o galaw. Maari itong gamitin sa iba’t ibang paraan, depende sa konteksto ng pangungusap. Narito ang mga halimbawa ng paggamit ng pandiwa sa bawat konteksto:
Gamit ng Pandiwa
Aksyon
Ito ay naglalarawan ng kilos o galaw na isinasagawa ng isang tao o bagay, na ituturing natin bilang aktor sa pangungusap. Madalas, ang pandiwang ito ay may kaugnayan sa pagkilos ng tao tulad ng paglakad, pagtakbo, pag-akyat, pagbaba, at iba pa.
Ang layunin ng pandiwang ito ay ipakita ang pisikal na kilos o gawain ng isang indibidwal o bagay.
- Halimbawa: “Sumayaw(pandiwa) si Maria(aktor) sa harap ng madlang bayan.”
- Halimbawa: “Naglakad (pandiwa)siya(aktor) palabas ng pintuan.”
Karanasan
Ito ay naglalarawan ng personal na karanasan o damdamin ng isang tao. Karaniwang ginagamit ito para ilarawan ang emosyon, pag-unawa, o reaksyon ng isang indibidwal hinggil sa isang pangyayari.
Ang layunin ng pandiwang ito ay ipakita ang internal na karanasan o damdamin ng isang tao.
- Halimbawa: “Naramdaman(karanasan) niya(aktor) ang lungkot nang mawala ang kanyang alagang aso.”
- Halimbawa: “Natuwa(karanasan) si Joseph(aktor) nang manalo siya sa patumpalak.”
Pangyayari
Ito ay naglalarawan ng mga pangyayaring naganap o nagaganap sa isang partikular na oras o lugar. Ginagamit ito upang ilarawan ang mga kaganapan o pangyayari sa paligid.
Ang layunin ng pandiwang ito ay ipakita ang naganap na pangyayari o kaganapan.
- Halimbawa: “Naganap(pandiwa) ang isang malakas na lindol(pangyayari) sa isang lugar kahapon.”
- Halimbawa: “Nasunog(pandiwa) ang sinaing dahil sa kapabayaan ni Nena(pangyayari).”
Sa bawat halimbawa, mapapansin mo na ang pandiwa ay nagbibigay ng diwa o aspeto ng kilos, karanasan, o pangyayari sa pangungusap. Ito ang nagbibigay-buhay sa mga pahayag at naglalarawan ng mga nagaganap sa isang tiyak na oras o lugar.