Ano ang Pagkakaiba ng Climate Change at Global Warming?
Climate Change at Global Warming
Ang panahon ay tumutukoy sa kasalukuyang kondisyon ng atmospera at mga pagbabago sa kondisyon nito sa loob ng ilang oras hanggang isang linggo. Ito’y ang pagbabago sa temperatura, bilis at direksyon ng hangin at iba pa.
Ang klima naman ay ang pangkalahatang kalagayan ng atmospera sa mahabang panahon. Ang Klima ay naiimpluwensyahan ng karagatan, mga anyong lupa at ang bilis ng pagkatunaw ng mga yelo sa mga poles ng daigdig at ito ay bumubuo ng isang climate system.
Ang halimbawa nito ay ang Tag- init mula Nobyembre hanggang Mayo at ang Tag- ulan mula Hunyo hanggang Oktubre sa Pilipinas.
Mahalaga na tandaan ang mga pagkakaiba ng panahon at klima upang higit na maunawaan ang isyu ng climate change.
Ang Climate Change ay ang nasusukat na pagbabago sa mga katangian ng iba’t ibang climate system na maaaring tumagal ng ilang dekada o mas matagal pa. Ito ay maaaring dulot ng mga natural na sanhi tulad ng pagsabog ng bulkan, pagbabago sa dami ng sikat ng araw na tumatama sa isang lugar o ang mga pagbabago sa climate system sa isang bansa. Ito ay maaaring dulot din ng tao dahil sa mga paggamit ng mga kemikal na nakakasira sa ozone.
Madalas na napagpapalit ng mga tao ang global warming at climate change. Ang global warming ay ang pagtaas ng temperatura ng daigdig na maaaring nagsimula bago ang pagsisimula ng unang rebolusyong industriyal(1850 – 1900) dahil sa mga gawain ng tao tulad ng pagsusunog ng langis at uling na nagdulot sa pataas ng lebel ng greenhouse gases sa atmospera at naging rason upang makulong ang init mula sa sikat ng araw.
Ang climate change ay hindi lang tungkol sa pagtaas o pagbaba ng temperature ng daigdig. Ito ay tumutukoy din sa labis na pagbabago ng mga sistema ng klima at panahon tulad ng pagdami at paglakas ng mga bagyong tumatama sa ating bansa, hindi normal na pagtaas ng temperature tuwing tag-init o ang dahan dahan na pagtaas ng lebel ng tubig sa mga dalampasigan sa mga bansang katabi ng karagatan. Ang global warming ay isa lamang sa aspeto ng climate change na dapat unawain at aksyonan ng mga tao dahil ang mga isyu na ito ay nakakaapekto sa lahat ng tao sa ating lipunan.
YouTube Video
Iba pang Artikulo
- Multinational Corporation at Transnational Corporation
- Ano ang K to 12 Law at ang mga Pagbabago na Dulot Nito?
- Ano ang Pagkakaiba ng Gender Identity at Sexual Orientation?
References
- “What is the difference between weather and climate?”, United States National Ocean Services website, https://oceanservice.noaa.gov/facts/weather_climate.html
- “Overview: Weather, Global Warming and Climate Change”, NASA Climate Change website, https://climate.nasa.gov/resources/global-warming-vs-climate-change/
- “Climate Change”, Philippine Department of Health website, https://www.doh.gov.ph/climate-change