Bakit sa Tabi ng mga Ilog Nagsimula ang mga Sinaunang Kabihasnan?
Ang mga Ilog: Kanlungan ng Unang Kabihasnan
Ang mga unang kabihasnan ay sumibol sa apat na ilog na matatagpuan sa Asya at Africa.
Ang isa sa mga kabihasnan na ito ay ang sibilisasyon sa lambak ng Mesopotamia na naitatag sa pagitan ng ilog Tigris at ilog Euphrates. Sa Ilog Nile naman naitatag ang kabihasanang Ehipto sa Africa. Ang kabihasnan sa India naman ay sumibol sa lambak ng Indus. Samantalang ang sibilisasyong Tsino ay naitatag sa tabi ng Yellow river(Huang Ho).
Ilan sa mga tinuturong rason kung bakit malapit sa mga lambak at ilog nagtayo ang mga tao nang kabihasnan ay ang dahilan na ang mga ilog ay nagbibigay ng sariwang tubig at pinagkukunan ng pagkain na nakakatulong sa pagsustena sa pangangailangan ng isang komunidad at kanilang pagsasaka.
Nakatulong ang Ilog sa Agrikultura at Kalakalan
Ang mga ilog ay ang pangunahing suplay ng tubig para sa pananim at mga alagang hayop. Ang mga ilog na nasa tabi ng mga kabihasnan sa Asia at Africa ay nagdudulot ng malawakang pagbaha bawat taon na kumikitil sa buhay ng daan-daan na tao ngunit paghupa ng baha, ang delubyo ay nag-iiwan ng banlik na mahalaga sa pagpapanatili sa sustansya ng lupang sakahan.
Nakatulong din ang mga ilog sa pagpapadali nang paglalakbay. Gamit ang mga balsa at bangka mas mabilis ang transportasyon ng kalakal at tao kaysa sa paglalakad sa lupa. Malaki ang naitulong ng ilog sa pagsigla ng kalakalan noong sinaunang panahon.
Kinailangan ang Pagtatayo ng mga Pamahalaan
Sa pagdami ng mga tao na naninirahan sa tabi ng mga ilog, kinailangan ang isang organisadong pamahalaan sa lungsod at bayan. Maliban sa paglaki ng populasyon, isa sa tinuturong dahilan ng pagtatatag ng mga pamahalaan na ito ay ang malaking pangangailangan sa pagkontrol sa pagdaloy ng tubig sa ilog para sa irrigasyon at maiwasan ang pagkamatay ng maraming tao tuwing bumabaha ang mga ilog na ito.
Upang magawa ito kinakailangan ng malawakang pagpaplano at kooperasyon ng maraming tao. Kaya masasabi na isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng gobyerno ay dahil sa pagnanais ng sinaunang tao na magkaroon ng magandang irigasyon at pagkontrol sa baha.
Pagkalikha ng mga Unang Organisadong Relihiyon
Ang mga sinaunang tao ay naniniwala na mayroong diyos na nakakaapekto sa pagsikat ng araw, ulan, agos ng ilog at iba pang bahagi ng kalikasan, kaya ang mga taong ito ay nag aalay sa mga diyos na ito upang makuha ang kanilang pabor at biyaya.
May mga kabihasanan tulad ng sinaunang Ehipto na kumuha ng inspirasyon para sa kanilang relihiyon mula sa ilog at sa mga halaman at hayop na makikita doon.
Sa pagdating ng unang kabihasnan, ang pag-aalay at ritwal ay naging organisado at pormal sa ilalim ng mga pari at isinasagawa lamang ang mga ito sa mga piling banal na araw.
Ang mga pamahalaan sa mga unang kabihasanan ay hinubog ng pananampalataya. Ang mga pinuno ay tinuturing na mga diyos sa lupa o kinatawan ng diyos na kanilang sinasamba, isang halimbawa nito at ang Pharaoh ng sinaunang Ehipto. Dahil dito, ang mga batas na nilkha ng kanilang pinuno ay tinuturing na batas ng diyos. Sa Tsina naman, ang mga pinuno at emperador ay pinaniniwalaang may “Mandate of Heaven”—ang karapatan nila mamuno ay galling sa langit. Mawawala lamang ito kung sila ay mahina o masamang pinuno.
Dahil sa impluwensya ng relihiyon sa pamamahala, ang mga pari ay may malaking bahagi ng buwis ang napupunta sa pagtatayo ng mga temple at maraming alay ang ibinibigay sa mga pari. Naging mahalagang bahagi ng pamamahala ang mga templo.
Nagdulot ang Pamahalaan ng Pangangailangan sa Pagsulat
Kasabay ng paglaki at pagiging komplikado ng sistema ng gobyerno, relihiyon at kalakalan, nagsimula ang pangangailangan sa pagbuo ng sistema sa paglikha at pagtatago ng mga tala. Dahil dito ang mga kabihasanan sa Asya at Africa ay lumikha ng iba’t ibang sistema ng pagsulat.
Kailangan ito ng pamahalaan upang maitala ang dami ng nasisingil na buwis at suplay ng nakaimbak na pagkain. Kinailangan naman ito ng mga pari upang maitala at mabantayan ang paggalaw ng araw, buwan at bituin at pagbuo ng kalendaryo na kailangan naman sa pagtatakda ng panahon para sa mga ritwal. Ginamit naman ito ng mga mangangalakal upang magkaroon ng record ng mga produktong kanilang binili at binenta. Mula dito, nagsimula naisulat na kasaysayan ng mga tao.
Sanggunian
- A Short History of the World ni Alex Woolf, pahina 14-58
- A History of the World ni Marvin Perry, pahina 25-26, 39-41,225-226, 247 – 251
- Project Ease para sa Ikatlong Taon,AP:Kasaysayan ng Daigdig