Ano ang Komunismo?: Kahulugan at Katangian
Ang komunismo ay isang anyo ng pamahalaan na malapit na iniuugnay sa pilosopong si Karl Marx batay sa kanyang mga pananaw ng isang utopia na lipunan na inilalarawan niya sa kanyang aklat na “The Communist Manifesto”. Ayon sa paniniwala ni Karl Marx, ang sistemang kapitalismo ay nagdudulot ng hindi pagkakapantay-pantay ng tao sa isang lipunan. Ito ay bunsod na rin ng malaking pagtuon sa pribadong pag-aari at pagkita ng malaki.
Sa kanyang pananaw, higit na mas makakabuti ang isang sistema na kung saan walang paghahati ng lipunan at lahat ay patas. Kung saan ang pamahalaan ay binubuo ng mga manggagawa at ang pamahalaan na ito ang may hawak at kontrol sa mga yaman at pag-aari ng lipunan at patas itong ipinamamahagi sa masa.
BASAHIN DIN: Perspektibo sa Kontemporaryong Isyu: Conflict Theory
Ano ang Kahulugan at Katangian ng Komunismo?
Ang komunismo ay isang pilosopikal, panlipunan, politikal at pang-ekonomikong ideolohiya na naglalayon na lumikha ng isang komunistang lipunan na kung saan ay patas na naghahati ang mga mamamayan sa yaman ng isang bansa at sa mga paraan ng produksyon.
Sa kasalukuyan, ang isang komunistang pamahalaan ay madalas na isang sentralisadong gobyerno na pinamumunuan ng iisang partido lamang o may isang partido na higit na mas makapangyarihan sa loob ng pamahalaan. Madalas ang mga komunistang bansa ay awtoritaryan sa kanyang pamamahala, ibig sabihin ay ang gobyerno ay pinamamahalaan ng mga diktador, isang tao na binigyan ng kapangyarihan ng pamahalaan na mamahala ng walang takdang katapusan sa kanyang termino.
Sa isang komunistang bansa, ang lahat ng pangunahin at sekondaryang pinagmumulan ng produkto at serbisyo ay nasa pamamahala ng gobyerno. Ang malaking aspekto ng pamumuhay ng mamamayan ay kontrolado ng pamahalaan dahil ang gobyerno ang nagbibigay sa kanila ng kanilang pangangailangan at ang puhunan at paraan upang makibahagi sa produksyon at ekonomiya ng bansa.
Walang pribadong pag-aari ang mga mamamayan at ang lahat ng mga pag-aari at yaman ay hawak ng isang komunistang pamahalaan. Kung susundin ng mga komunistang pamahalaan ang orihinal na manipesto ni Karl Marx, ang yaman at pag-aari na kanilang kinolekta ay dapat nilang ipapamahagi ng patas sa publiko at mga manggagawa. Ito ay bihirang mangyari sa modernong komunismo.
Ano ang Etomolohiya ng Komunismo?
Ang komunismo ay nagmula sa salitang Latin na “communis” na nangangahulugan na “shared” o “common”.
Ano ang Pagkakaiba ng Sosyalismo at Komunismo?
Ang sosyalismo ay mas nagbibigay pansin sa paglutas sa hindi pagkakapantay-pantay na makikita sa iba’t ibang bahagi ng produksyon. Sa ilalim ng sosyalismo, ang mga pangangailangan ng mga manggagawa ay binibigyan ng atensyon.
Ang isang indibidwal ay maaaring magmay-ari ng personal na ari-arian ngunit ang mga industriya at mga pagawaan ay pag-aari ng estado at ang estado na ito ay pinamamahalaan ng isang demokratikong gobyerno.
Sa sosyalismo ang kita ng isang manggagawa ay nakabatay sa kanyang kakayahan at sa kanyang kwalipikasyon kaya ang isang indibidwal ay maaari pa rin kumita ng malaki kumpara sa iba.
Nagbibigay ng subsidya ang pamahalaan sa mga bahagi ng lipunan na makakatulong sa pagpapayaman at pagpapahusay sa kondisyon ng manggagawa. Upang matupad ito kailangan na kontrolin ng pamahalaan ang mga importanteng utility sa loob ng lipunan tulad ng kuryente,tubig, transportasyon, ospital, paaralan at iba pa. Ang sosyalismo ay maaaring umiral sa isang kapitalistang lipunan at maging kakompetensya nito.
BASAHIN DIN: Ano ang Sosyalismo?
Ang komunismo ay nakatuon sa pagbuwag sa kahit anong pribadong institusyon at paglagay ng lahat ng likas-yaman at paraan ng produksyon sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno.
Ang isang indibidwal ay walang kakayahan na magmay-ari ng personal na ari-arian at walang kakayahan na kumita ng higit pa sa ibang tao sa loob ng lipunan. Sa isang teoretikal na komunistang lipunan ay walang agwat sa yaman ang mga mamamayan.
Ang pamahalaan ay may direktang kontrol sa lahat ng porduksyon sa lipunan at tanging pangangailangan lamang ang kanilang binibigyan ng pansin at ang mga pangunahing pangangailangan din ang kanilang hinahatid sa kanilang mamamayan.
Hindi maaaring umiral ang komunismo kasabay ng kapitalismo dahil sa sobrang laki ng pagkakaiba ng dalawang ideolohiya.
BASAHIN DIN: Ano ang Kapitalismo?: Kasaysayan at mga Katangian
Ano ang mga Halimbawa ng Komunistang Pamahalaan?
Ang Soviet Union(o USSR) ay isang komunistang estado na naging isang superpower sa daigdig noong 1922 hanggang 1991 bago ang pagbagsak ng USSR at paghihiwalay nito sa maliliit na mga estado sa Europe at Asya.
Sa kasalukuyan ang mga sumusunod na bansa ay nasa ilalim ng isang komunistang Marxist-Lenist na politikal na partido; People’s Republic of China, Republic of Cuba, Lao People’s Republic(Laos), at ang Socialist Republic of Vietnam. Ang ilan sa mga bansa na ito ay maaaring masabing hindi na komunista sa kasalukuyang panahon ngunit ang impluwensiya ng komunismo sa kanilang bansa ay makikita pa rin, lalo na sa kanilang politika.
Ang Democratic People’s Republic of Korea(North Korea), ay kasalukuyan na nagsasabi na ang kanilang pangunahing sinusunod na ideolohiya ay tinatawag na Juche. Ito ay kahit na nagpapakita ng mga katangian na taglay ng ideolohiyang komunismo.
Sanggunian
Communism, https://thebestschools.org/magazine/common-forms-of-government-study-starters/#communis
Communism, https://www.investopedia.com/terms/c/communism.asp
Communism, https://www.britannica.com/topic/communism
Steele, David (1992). From Marx to Mises: Post-Capitalist Society and the Challenge of Economic Calculation. Open Court Publishing Company. pp. 44–45.
Busky, Donald F. (2000). Democratic Socialism: A Global Survey. Praeger. p. 9.
Williams, Raymond (1985) [1976]. “Socialism”. Keywords: A Vocabulary of Culture and Society (revised ed.). New York: Oxford University Press. p. 289
Communism, https://www.nationalgeographic.org/encyclopedia/communism/
Communism Vs. Socialism, https://www.thoughtco.com/difference-between-communism-and-socialism-195448