Ang Pangangailangan at Kagustuhan
Ano ang Pangangailangan at Kagustuhan?
Ang pangangailangan at kagustuhan ay dalawang salitang madalas na ginagamit sa pag-aaral ng ekonomiks. Ang pangangailangan ay tumutukoy sa mga bagay na kailangan ng tao upang mabuhay at mapanatili ang kanilang kalusugan, kaligayahan, at kaayusan. Ang kagustuhan naman ay tumutukoy sa mga bagay na hindi naman talaga kailangan ng tao pero gusto nila dahil nagbibigay ito ng karagdagan o espesyal na kasiyahan sa kanila.
Halimbawa ng mga pangangailangan ay ang pagkain, tubig, damit, tirahan, edukasyon, at kalusugan. Halimbawa naman ng mga kagustuhan ay ang mga mamahaling damit, alahas, sasakyan, libangan, at iba pa. Ang mga pangangailangan at kagustuhan ay may kaugnayan sa konsepto ng kakapusan at pagpili. Dahil limitado ang mga pinagkukunang yaman ng mundo, hindi lahat ng pangangailangan at kagustuhan ng tao ay maaaring matugunan. Kaya kailangan nilang magdesisyon kung ano ang uunahin nila at kung ano ang isasakripisyo nila.
Ang Teorya ng Hirarkiya ng Pangangailangan ni Maslow
Ayon sa teorya ni Abraham Maslow, ang mga personal na pangangailangan ng isang tao ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng iba’t ibang antas na maaaring ilagay sa anyo ng isang piramide. Ang bawat pangangailangan ay kailangan matupad upang makamit ng kasiyahan ng isang tao. Kaya nakalagay sa anyo ng piramide ang hirarkiya na ito ay dahil ang mga payak na pangangailangan ang pinakamahalagang matustusan upang makaakyat sa susunod na antas ng pangangailangan.
Mula sa pinakamababang hanay at paakyat, ang mga pangangailangan natin ay ang pisiyolohikal na pangangailangan, pangangailangan panseguridad at pangkaligtasan, pagmamahal at pangangailangan panlipunan, pagpapahalaga sa sarili at respesto mula sa iba, at kaganapan ng pagkatao.
- Physiological Needs (pisiyolohikal na pangangailangan): Ito ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, tulog, at iba pang pangunahing biyayang pisikal na kailangan para sa pagtira.
- Security and Safety Needs (pangangailangan panseguridad at pangkaligtasan): Kasama dito ang pangangailangan ng proteksyon laban sa peligro, seguridad sa trabaho, at pangkalahatang kaligtasan.
- Love and Belongingness Needs (pagmamahal at pangangailangan panlipunan): Ito ay tungkol sa pakikipagkapwa, pagmamahalan, pagkakaibigan, at pagnanais na maging bahagi ng isang grupo.
- Esteem Needs (pagpapahalaga sa sarili at respesto mula sa iba): Nagsasaad ito ng kagustuhan ng pagpapahalaga sa sarili, pagkilala, at respeto mula sa ibang tao.
- Self-Actualization Needs (kaganapan ng pagkatao): Pinakamataas na antas ng hirarkiya, ito ay nauugnay sa pagkamit ng buong potensyal, personal na pag-unlad, at pagkamit ng mga layunin sa buhay.
Ngunit dapat tandaan na hindi isang hagdan ang piramide na ito na kung saan dapat ay isa-isa dapat na matupad ang mga pangangailangan para masabing maaari mo nang tuparin ang susunod mong pangangailangan bilang tao. Ang nais lamang irepresenta ng Hierachy of needs ay mahirap makamit ang sikolohokal at emosyonal na pangangailangan ng isang tao kung hindi natutustusan ang kanyang mga pisikal at pangseguridad na pangangailangan.
Mga Salik na Nakakaapekto sa Pangangailangan at Kagustuhan ng Isang Tao
Maraming mga salik ang maaaring makakaapekto sa mga pangangailangan at kagustuhan ng isang tao. Narito ang ilang mga halimbawa:
- Kultura at Lipunan: Ang kultura at lipunan kung saan lumalaki ang isang tao ay nagtutukoy ng mga inaasahang pangangailangan at kagustuhan. Ang mga impluwensya ng kultura at lipunan ay maaaring magpabago sa mga pagpapahalaga at prioritasyon ng isang tao.
- Indibidwal na Pagkakaiba-iba: Ang bawat tao ay may kani-kanyang unikal na personalidad, interes, at pangangailangan. Ang mga salik na ito ay maaaring maglaro ng malaking bahagi sa mga bagay na kanyang kinakagisnan at gustong maabot.
- Karanasan at Edukasyon: Ang mga karanasan sa buhay at antas ng edukasyon ng isang tao ay maaaring magbukas ng mga bagong oportunidad at mag-udyok sa kanya na baguhin ang kanyang mga pangangailangan at kagustuhan. Ang mga taong may mas mataas na antas ng edukasyon ay maaaring maging mas mapanuri sa kanyang mga pangangailangan at kagustuhan. Maaaring di niya bilhin ang isang bagay dahil lamang sa nakikita niya na ito ay hindi kinakailangan sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.
- Kita: Ang kakayahan ng isang tao upang bumili ng isang produkto o serbisyo ay higit na nakakaapekto sa kanyang pagtimbang sa pangangailangan at kagustuhan. Ang mga taong may maliit na kita ay nalilimitahan ang kanilang kagustuhan sa mga payak na pangangailangan ng kanyang sarili at kanyang pamilya tulad ng pagkain, renta, at mga gamot. Samantalang ang mga taong may malaking kita ay maaaring iba ang pananaw sa kanyang pangangailangan at kagustuhan, tulad ng maaaring makita niya na “kailangan” niya ng kotse para madali makapunta sa kanyang trabaho ngunit para sa mga tao na maliit lamang ang kita ang pagbili ng kotse ay isang luho lamang.
- Ekonomiya at Kalagayan sa Buhay: Ang ekonomiya ng isang bansa at ang kalagayan sa buhay ng isang tao ay maaaring magdulot ng pagbabago sa mga pangangailangan at kagustuhan. Kapag mas mahirap ang kalagayan ng ekonomiya, maaaring mag-iba ang mga prayoridad ng mga tao.
- Edad: Mapapansin na ang bawat henerasyon ay may iba’t ibang pananaw kung ano ang pangangailangan at kagustuhan. Ang mga mas nakakatandang miyembro ng pamilya ay maaaring di nauunawaan ang mga binibili ng mga mas batang miyembro ng pamilya, vice versa.
- Kasalukuyang Konteksto: Ang kasalukuyang kalagayan at mga pangyayari sa buhay ng isang tao ay maaaring magdulot ng pansamantalang pagbabago sa mga pangangailangan at kagustuhan. Halimbawa, sa panahon ng krisis o pagbabago, maaaring magkaroon ng mas mataas na pangangailangan sa kaligtasan kaysa sa iba pang mga aspeto.
Sanggunian:
- Difference Between Needs and Wants, keydifferences.com, Difference Between Needs and Wants (with Comparison Chart) – Key Differences
- JeFreda R. Brown, “What Is the Difference Between Wants and Needs?”, 2022, Wants vs. Needs: Understanding the Difference (thebalancemoney.com)
- Kendra Cherry, MSEd, Maslow’s Hierarchy of Needs Theory, 2023, Maslow’s Hierarchy of Needs (verywellmind.com)
- Saul Mcleod, PhD, Maslow’s Hierarchy Of Needs, 2023, Maslow’s Hierarchy of Needs (simplypsychology.org)