Ang 4 na Sistemang Pang-ekonomiya
Ano ang Sistemang Pang-ekonomiya?
Ang sistemang pang-ekonomiya (economic system) ay sistema ng produksyon at distribusyon ng mga produkto at serbisyo sa loob ng isang lipunan o isang lugar. Nais ng mga sistema na ito na lutasin ang mga problema sa produksyon at distribusyon sa pamamagitan ng pagsagot sa tatlong mahalagang tanong: anong mga produkto at serbisyo ang kailangang likhain, ano ang paraan na gagamitin sa paglikha ng produkto at serbisyo, at para kanino ang mga produkto at serbisyo na dapat likhain.
Mayroong apat na sistemang pang-ekonomiya: traditional economy, market economy, command economy at mixed economy.
Traditional Economy
Ang traditional economy ay ang pinakapayak at pinakamatandang sistema sa apat na uri. Ang sistema na ito ay nakabatay sa paglikha ng produkto at serbisyo na sumusunod sa naaakmang panahon. Madalas ang sistema na ito ay makikita sa mga rural na lugar kung saan ang agrikultura ang pangunahing kabuhayan.
Madalas limitado ang mga pinagkukunang yaman ng mga tao na bahagi ng komunidad na sumusunod sa traditional economic system. Maaaring na kukunti lamang ang likas na yaman sa lugar na iyon o mahirap maglakbay papasok at palabas sa lugar na iyon. Ang sistemang ito ay nagkukulang sa kakayahan lumikha ng surplus.
Dahil sa primitibong anyo nito, ang traditional system ay mas sustinable kaysa sa ibang sistemang pang-ekonomiya, dahil ang maliit na output ng sistema na ito ay sumisigurado na kaunti lamang ang nasasayang na pinagkukunang yaman para sa produksyon.
Market Economy
Ang market economy ay kumikilos sa konsepto ng free market. Ang pamahalaan ay hindi nakikialam sa ekonomiya. Ang pamahalaan ay may maliit na kontrol lamang sa mga pinagkukunang yaman at hindi nakikiaalam sa mga mahalagang bahagi ng produksyon. Ang regulasyon ng pamilihan ay nagmumula sa mga mamimili at sa epekto ng paggalaw ng supply at demand.
Sa katotohanan walang “pure market economy” at karamihan ng konsepto nito ay nasa teoriya lamang. Ito ay dahil ang kahit anong sistemang pang-ekonomiya ay maaaring pakialaman ng isang sentral na awtoridad. Halimbawa ay ang pagpapasa ng batas ng pamahalaan upang magkaroon ng regulasyon sa kalakalan at monopoly.
Sa isang perspektibo, ang market economy ay nakakatulong sa mabilis na pag-unlad ng lipunan na sumusunod sa sistema na ito. Ngunit ang isa sa malaking kahinaan nito, ito ay nagiging daan upang maipon ang yaman sa iilang tao lamang sa lipunan. Ang distribusyon ng yaman ay hindi nahahati ng patas sa mga tao sa lipunan at higit na nakikinabang ang mga taong unang nagtagumpay sa pamilihan. Ito ay nagdudulot ng hindi pagkapantay-pantay sa lipunan.
(Basahin din: Ano ang Kapitalismo?)
Command Economy
Sa isang command economy, malaking bahagi ng ekonomiya ay kontrolado ng isang sentralisadong gobyerno. Ito ay tinatawag din na “planned economy”.
Dahil sentro ang pamahalaan ng sistema na ito, ang pamahalaan ay bahagi ng pagpaplano hanggang sa pamamahagi ng mga pinagkukunang yaman. Ang command economy ay may kakayahan na lumikha ng maayos na supply ng mga pinagkukunang yaman at nakakatulong din ito para mabigyan ang mga mamamayan ng mababang presyo ng bilihin. Madalas ay kontrolado ng gobyerno ang mga mahahalagang industriya sa bansa tulad ng tubig, kuryente, paliparan, daungan at mga riles. Ang mga mamamayan ay may kontrol sa mga hindi gaanong importanteng sektor ng ekonomiya tulad ng agrikultura.
Kung may napakamahalagang supply ng isang pinagkukunang yaman sa isang lugar, mas malaki ang pagkakataon na gamitin ng lipunan na iyon ang command economy. Ito ay madalas na nagaganap kapag may natuklasan na isang mahalagang yaman tulad ng ginto at langis. Sa sitwasyon na ito, papasok ang pamahalaan upang kontrolin ang mahalagang pinagkukunang yaman na iyon.
Ang command economic system ay karaniwang nakikita sa mga komunistikong lipunan dahil ang karamihan ng mahahalagang desisyon pang-ekonomiya ay nakabatay sa desisyon ng pamahalaan.
Ang sistema na ito ay malaki ang kabutihang nagagawa kung ang mga pinuno ay binibigyan ng priyoridad ang kabutihan ng nakararami at ng kanilang bansa. Ngunit bihira lamang ito mangyari ito sa isang awtokratikong komunistang bansa.
Isang kahinaan ng command economy ay ang mabagal na pagkilos nito sa harap ng mga pang-ekonomiyang krisis. Dahil sentralisado ang pagdedesisyon nito, sila ay nagiging bukas sa mga suliranin na dulot ng mga problema sa ekonomiya at lumalala dulot ng mabagal na pagbibgay ng wastong aksyon sa mga problema na ito.
(Basahin din: Ano ang Sosyalismo?)
Mixed Economy
Pinagsasama sa mixed economy ang mga katangian na taglay ng command economy at market economy, ito ang rason kung bakit tinatawag din itong dual systems.
Karamihan ng mga bansa sa daigdig ay sumusunod sa mixed economy. Kung saan ang karamihan ng mga industriya ay nasa pribadong pamamalakad at ang natitira ay bumubuo sa mga pampublikong serbisyo na nasa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaan.
Sa mixed economy pinagsasama ang mga magagandang aspeto ng command economy at market economy. Ang suliranin na kinahaharap ng sistema na ito ay ang pagbalanse sa impluwensya ng malayang pamilihan at kontrol ng pamahalaan. Minsan ay ninanais ng gobyerno na mas palawigin ang kanilang impluwensya sa mga industriya kahit na hindi ito kailangan at nagreresulta lamang sa tensyon sa pagitan ng pamahalaan at mga kapitalista.
Iba pang Artikulo
Ano ang Supply at Law of Supply?
Ano ang Demand at ang Law of Demand?
Ano ang mga Salik ng Produksyon?
Follow, Subscribe, Comment, and Like the Aralipunan YouTube Channel