Globalisasyong Sosyo-Kultural, Teknolohikal at Politikal
Ang globalisasyon ay may malaking epekto sa pagbabago ng mga kultura at pamumuhay ng mga tao. Ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ay nagdulot ng mas mabiolis na pagpapasa ng mga ideolohiya at mga impormasyon. Ito ay nagdulot ng mas homogenous na kultura sa malaking bahagi ng daigdig. Ito ay mas madalaing makita sa uri ng mga pananamit ng mga tao sa iba’t ibang siglo. Ang mga tao sa ika-18 at ika-19 na siglo ay mas popular ang tradisyonal na pananamit ngunit dahil sa mabilis na globalisasyon naging westernized ang pananamit ng karamihan ng mga tao sa mundo.
Pagdating sa politika, ang malapit na ugnayan ng mga pamahalaan ngayon bunsod ng United Nations at iba pang mga politikal at pang -ekonomiyang organisasyon ay nagresulta sa pangmatagalang kapayapaan sa mundo. Sa katotohanan, ang kalahati ng ika-20 at simula ng ika-21 na siglo ang isa sa pinakamapayapang bahagi ng kasaysayan ng tao, kung saan may-iilan na malalaking digmaan lamang ang nagaganap hindi tulad noon na bawat kontinente ay may malawakang digmaan na nagaganap.
Kultura sa Panahon ng Globalisasyon
Ang globalisasyon ay nagdulot para mas lalong maunawaan ng bawat lahi ang kanya kanyang mga kultura. Ang mga tradisyonal na pananamit, pagkain at wika ay madali nang ipapapamahagi sa mga dayuhan. Ang mga ito ay nakakatulong sa pagpapalaganap ng national identitty ng isang bansa.
Ngunit sa kabilang banda nito, kung ang kultura ay natatalo ng mga mga dayuhang ideya, ito ay maaaring magdulot ng pagkawala ng pagkakilanlan ng ilang pangkat ng mga tao. Ang mga minoridad tulad ng mga kultura ng katutubong mga tao ang higit na nasa panganib sa pagpasok ng mga dayuhang kultura at pananaw sa kanilang mga lugar.
Globalisasyong Teknolohikal at Sosyo-Kultural
Ang introduksyon ng cellphone at internet access sa Pilipinas ay higit na nakaapekto sa kultura at sa mga pagpapahalaga ng mga tao sa lipunan sa kasalukuyang panahon. Naimbento ang telepono noong 1876 at simula noon at unti-unti itong pinahusay sa pamamagitan ng mga pag-usad sa teknolohiya at produksyon.
Paggamit ng cellphone
Mabilis na tinangkilik ng mga mamamayan sa developing countries ang pagggamit ng cellular phones o mobile phone na nagsimula sa mauunlad na bansa. Naging popular ang paggamit ng cellphone sa Pilipinas sa kalagitnaan ng 1990’s at naging bahagi ng papamuhay ng mga pangkaraniwang tao sa kasalukuyan. Partikular dito ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Bangladesh at India.
Ang mga mobile phones sa kasalukuyang panahon ay naging isang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa modernong panahon. ito ay mas lalong pinatibay nang maimbento ang mga smartphones na nagsilbing mga personal computer na pwede mong dalhin sa iyong bulsa.
Nakatutulong ang teknolohiyang ito sa pagpapabuti ng kanilang pamumuhay. Sa paggamit nito, mabilis na nakahihingi ng tulong sa panahon ng pangangailangan tulad ng kalamidad. Isa rin dito ang mabilis na transaksiyon sa pagitan ng mga tao
Internet Access sa Pilipinas
Kaugnay sa pagdami ng mobile phones at computer ay ang mabilis na pagdaloy ng mga ideya at konsepto patungo sa iba’t ibang panig ng mundo dahil ang mga ito ay nasa digitized form. Ang mga ideyang ito ay nakapaloob sa iba’t ibang anyo tulad ng musika, pelikula, videos, larawan, e-books at iba pa na makikita sa iba’t ibang social networking sites at service provider
Epekto ng Teknolohiya sa Kultura
Sa kasalukuyan, dama rin sa Pilipinas ang impluwensiyang kultural ng mga Koreano sa anyo ng pop culture dahil sa mga sikat na pelikula, Korean nobela, K-pop culture, at mga kauri nito. Ang lakas ng impluwensiya ng mga nabanggit ay makikita sa pananamit, pagsasalita at pakikisalamuha ng maraming kabataang Pilipino sa kasalukuyan
Naging madali para sa mga tao na magkamit ng kaalaman kaugnay ng iba’t ibang paksa ngunit naging mabilis din ang pagkalat ng mga maling impormasyon at propaganda sa mga lipunan.
Nagdudulot ng problema sa politika, edukasyon at kultura ang pagkalat ng mga propaganda na ito na tinatawag ngayon na “fake news” dahil sa ito ay nagtutulak ng mga walang batayan na conspiracy, historical revisionism, authoritarian propagandas, leftist propagandas at iba pa.
Isa sa positibong epekto ng teknolohiya sa modernong panahon ay nagagamit ng mga taong maralita ang social media upang mag-organisa upang labanan ang mga mapang-aping pamahalaan nila. Ito’y nasaksihan sa pagsisimula ng Arab Spring protests na lumaban sa di makataong pagtrato ng pamahalaan sa kanila.
Globalisasyong Politikal
Ang malapit na ugnayan ng mga bansa sa poltika ay matagal nang nararanasan ng dagidig. Ang mga alyansa sa bawat bansa ay mahalaga at nadudulot ng malalim na pagdepende ng bawat isa para sa pang-ekonomiko at pangsiguridad na mga rason. Kaya nga maraming mga bansa ang umiiwas sa pakikidigma dahil bago palumala ang isang sigalot ang mga bansa sa kasalukuyang panahon ay handang putulin ang mga ekonomikong ugnayan nila sa mga aggressor ng digmaan.
Ang paglakas ng globalisasyong politikal na maituturing na mabilisang ugnayan sa pagitan ng mga bansa, samahang rehiyonal at maging ng pandaigdigang organisasyon na kinakatawan ng kani-kanilang pamahalaan.
Sa Timog-Silangang Asya naman halimbawa, kinakitaan ang mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng mas maigting na ugnayan sa nagdaang mga taon na isa sa nagbigay daan sa mabilis na pag-angat ng ekonomiya ng rehiyon.
Sa pandaigdigan na entablado naman, ang United Nations ay nagbibigay naman ng lugar kung saan maaaring pag-usapan ng mga bansa ang mga problema nila sa bawat isa. Ang diplomasya ang pinakamabisang paraan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mundo.
Epekto ng Globalisasyon sa Politika
May magandang dulot ang globalisasyong politikal ang pagbubuklod ng mga bansa upang lumikha at tumugon sa mga programa at proyektong mag-aangat sa pamumuhay ng mga mamamayan ng mas mahihirap na bansa.
Ngunit maaari rin itong maging sagabal sa pagunlad ng isang bansa kung ang kanilang interes ang bibigyang pansin. Minsan ginagamit itong pagkakataon ng mga mas mayamang bansa para ipitin ang mga malilit na bansa sa mga kasuduan na hindi pabor sa kanila na nagreresulta sa paghulog ng mga maliliit na bansa sa isang “debt trap”.