Isyu Pangkapaligiran sa Pilipinas
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nakakaranas ng iba’t ibang isyu pangkapaligiran tulad ng isyu sa solid waste, deforestation, polusyon sa hangin, at polusyon sa tubig.
Gaano Kahalaga ang Likas na Yaman sa Pilipinas?
Malaking bahagi ng pamumuhay at ekonomiya ng Pilipinas ang nakasalalay sa likas na yaman ng bansa at ang kapaligiran nito. Mahigit 10 milyon na Pilipino ang umaasa sa agrikultura para sa kanilang kabuhayan. Halos 25% ng lakas paggawa ng Pilipinas ay nagmumula sa agrikultura.
Noong 2014, mahigit 12% ng kabuuang Gross Domestic Product(GDP) ng Pilipinas ay nagmumula sa agrikultura at pangingisda, 2.1% ng GDP ay mula sa pagmimina, 1.4% GDP ay mula sa yamang gubat, 7.8 ay mula sa turismo
Sa taong 2019, ang GDP mula sa agrikultura at pangingisda ay bumaba mula 12% patungong 8.7%. Ilan sa tinuturong rason ay ang mga bagyo, mahabang tag-init, polusyon, peste at mga kompetisyon sa dayuhang agrikultural na produkto.
Mga Pangunahing Isyu Pangkapaligiran
Suliranin sa Solid Waste
Tumutukoy ang solid waste sa mga basurang nagmula sa mga tahanan at komersyal na establisimyento, mga basura na nakikita sa paligid, mga basura na nagmumula sa sektor ng agrikultura at iba pang basurang hindi nakakalason (Official Gazette, 2000)
Ang Pilipinas sa kabuuan ay nakalilikha ng 39,422 tonelada ng basura kada araw noong taong 2015. Sa parehong taon, 25% ng basura sa Pilipinas ay nagmula sa Metro Manila. Kung susumahin, 0.7 kilong basura kada tao ang nalilikha sa loob ng Metro Manila araw-araw.
Ang malaking bahagdan ng itinatapong basura ng Pilipinas ay nagmumula sa mga tahanan(56.7%) at sumunod naman dito ang mga commercial sector (27.1%).
Ang pinakamalaking bahagdan naman ng uri ng basura na tinatapon noong 2015 ay bio-degradable(52.31%), sumunod dito ay mga recyclables(27.78%)
Deforestation
Sa loob lamang ng ika-20 na siglo, malaking bahagi ng kagubatan ng Pilipinas ang nawala. Mula sa 70% forest coverage ng bansa, ito ay bumaba patungo ng 20%. Sa pagitan ng 1934 at 1988, halos 9.8 milyong hektarya ng kagubatan ang nawala. Noong 2010, natuklasan sa pag-aaral ng National Mapping and Resources Information Authority(NAMRIA) na mahigit sa 6.8 na milyong hektarya na lamang ang natitira sa forest cover ng Pilipinas. Ito ay 23% percent ng kabuuang land area ng Pilipinas(30,000,000 hectares).
Ilan sa tinuturong sanhi ng malawakang deforestation ay ang illegal logging at hindi wastong regulasyon sa logging sa Pilipinas. Ang mga nakakasirang paraan ng Kaingin o ang pagsunog sa isang bahagi ng kagubatan upang ihanda sa pagtatanim ng pang-agrikulturang produkto ay ginagawa pa din sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang isang kagubatan ay nangangailang ng 30-35 na taon upang makabalik sa dating estado pagkatapos ng pagputol dito ngunit hindi ito nabibigyan ng pagkakataon dahil sa pagbibigay permiso sa mga logging company na pumutol ng puno sa parehong lugar sa loob lamang ng 10 taon mula ng huling beses na pinutol ang mga puno doon.
Walang rin insentibo para sa mga loggers na magtanim ng binhi sa mga lugar na kinuhaan nila ng puno. May mga pagkakataon na kung magtatanim man, ibang uri ng puno ang kanilang ipapalit at kadalasan ay hindi rin akma sa para lugar na iyon.
Polusyon sa Hangin
Ang polusyon sa hangin ay nagmumula sa magkakahalong kemikal sa hanging, mga particulate matter, at mga biological materials na nagkakaroon ng reaksyon sa bawat isa at lumilikha ng mga maliliit at panganib na mga particle. Ito ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga, pabalik-balik na sakit, pagtaas ng bilang ng nagpapa-ospital at minsan ay kamatayan.
Ang Metro Manila at ang iba pang lungsod sa Pilipinas ay humaharap sa problema ng air pollution.
Ang tinuturong sanhi nito ay ang pagdami ng mga kotse at iba pang sasakyan sa mga lungsod na ito. Ayon sa Department of Transportation, mahigit sa 70% ng polusyon sa Metro Manila ay nagmumula sa mga sasakyan.
Polusyon sa Tubig
Ayon sa Water Environment Partnership in Asia(WEPA), malaki ang problem ana kinahaharap ng Pilipinas kaugnay sa polusyon ng tubig dahil sa maraming sektor ng lipunan ang nakadepende sa malinis na tubig. Ang pagtaas ng populasyon, urbanisasyon, agrikultura at industriyalisasyon ay nagdulot upang bumaba kalidad ng tubig sa Pilipinas.
Kahit na gumagastos ang pamahalaan ng 1.3 Billion US dollars kada taon para lamang sa pagkontrol sa polusyon ng tubig at kasama na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas, ito ay hindi nagiging sapat sa paglutas sa polusyon sa katubigan. Maaaring dahil hindi nasusulosyonan ang mga malalaking sanhi ng polusyon sa tubig.
Halos 58% ng groundwater sa Pilipinas ay kontaminado ng coliform, isang bacteria na nagmumula sa mga dumi ng tao at hayop at nagdadala ng mga sakit sa iinom ng tubig na iyon.
Ayon sa Greenpeace, karamihan sa mga polusyon na ito mula sa wastewater:
- Industrial waste – mga heavy metal at iba pang kemikal tulad ng mercury, lead at cyanide.
- Argricultural waste – dumi ng hayop, patay na hayop, at nabubulok na halaman.
- Domestic sewage – mga dumi galing sa kabahayan at pamayanan.
- Iba pang pinagmumulan – mga natapon na langis at mga illegal na tinapong mga basura sa ilog at dagat.
Climate Change
Ang Climate Change ay ang nasusukat na pagbabago sa mga katangian ng iba’t ibang climate system na maaaring tumagal ng ilang dekada o mas matagal pa. Ito ay maaaring dulot ng mga natural na sanhi tulad ng pagsabog ng bulkan, pagbabago sa dami ng sikat ng araw na tumatama sa isang lugar o ang mga pagbabago sa climate system sa isang bansa. Ito ay maaaring dulot din ng tao dahil sa mga paggamit ng mga kemikal na nakakasira sa ozone.
Ang Pilipinas, bilang isang tropikal at arkipelagong bansa, ay higit na apektado nito. Ang mga pagbabago sa sistema ng klima ng Pilipinas ay nagdudulot ng malaking problema sa bansa, ilan sa halimbawa nito ay ang paghaba ng panahon tag-init at ang pagdami at paglakas ng mga bagyong tumatama sa Pilipinas.
Karamihan sa pinakamapaminsalang bagyo sa Pilipinas ay nagganap sa nakaraang 2 dekada, ang bagyong Ondoy at bagyong Yolanda ang ilang lamang sa mga ito.
Ang pag-init ng tubig ay nagdudulot ng pagbaba ng huli ng mga mangingisda at ang coral bleaching sa ilang reef na malapit sa ating baybayin. Isa rin sa ikinababahala ng mga tao ay ang pagtaas ng lebel ng tubig sa dalampasigan.
Iba pang Artikulo
- Ano ang Pagkakaiba ng Climate Change at Global Warming?
- Cyclone, Hurricane, at Typhoon, Ano ang Pinagkaiba?
- Ano ang Kahulugan ng Hazard, Risk at Vulnerability?
- Ano ang Kontemporaryong Isyu?
Sanggunian
- Lasco, R. D.; R. D. (2001). “Secondary forests in the Philippines: formation and transformation in the 20th century” (PDF). Journal of Tropical Forest Science. 13 (4): 652–670.
- National Solid Waste Management Status Report. (2015), (December)
- Liu, D; L Iverson; S Brown (1993). “Rates asind patterns of deforestation in the Philippines: application of geographic information system analysis” (PDF). Forest Ecology and Management. 57 (1–4): 1–16. doi:10.1016/0378-1127(93)90158-J. ISSN 0378-1127.
- “County Report; Philippines” (PDF). Global Forest Resources Assessment 2015. Rome: 4. 2015.
- State of water: Philippines, http://www.wepa-db.net/policies/state/philippines/overview.htm
- Philippine General Health Risk: Air Pollution, https://www.iamat.org/country/philippines/risk/air-pollution
- Air pollution has become serious threat in Philippines, https://www.bignewsnetwork.com/news/263670053/air-pollution-has-become-serious-threat-in-philippines
- Philippine GDP, https://tradingeconomics.com/philippines/gdp
- “Agriculture, value added (% of GDP)”. Retrieved March 3, 2015
- Philippines: Share of Economic Sector to Gross Domestic Product from 2009 to 2019, https://www.statista.com/statistics/578787/share-of-economic-sectors-in-the-gdp-in-philippines/